1,770 total views
Tiniyak ng Military Ordinariate of the Philippines ang patuloy na paggabay sa mga kawani ng iba’t ibang pwersa ng pamahalaan na may mandatong protektahan ang kapakanan ng taumbayan.
Ito ang mensahe ni Military Diocese Bishop Oscar Jaime Florencio sa kanyang isinasagawang pastoral visit sa iba’t-ibang kampo ng puwersa ng pamahalaan sa bansa.
Ayon sa Obispo, ang kanyang isinasagawang pastoral visit sa iba’t ibang kampo ay isang paraan ng pagtiyak sa bawat isa ng kanyang presensya, pagkalinga at panalangin.
Ipinaliwanag ni Bishop Florencio na paraan din ito upang higit na mapatatag ang moral ng mga kasapi ng puwersa ng pamahalaan.
“Itong camp visit actually is my way of telling them that ‘Hey, I am a shepherd and then I am also taking care of them at least yung mga dasal ko, yung presence ko whenever I can’…. They were also happy with my visit at para bang boosting their morale dahil kasi po tayo ay hindi lang all about military things, hindi lang all about guns and the bullets but also all about our people, all about our spirits so we need to feed also the word of God to them,” paliwanag ni Bishop Florencio sa Radio Veritas.
Inihayag ng Obispo na bahagi rin ng kanyang pastoral visit ang pagbabahagi ng mga aral hindi lamang sa larangan ng buhay kundi maging para sa higit na pagpapalalim ng pananampalataya at pananalig.
Nilinaw ni Bishop Florencio na ang pananampalataya ay maituturing na isang baluti na mahalaga para sa bawat isa.
“I give them a talk so yung something about our faith, something about our life and something that mas mataas pa doon sa kanilang mga mandato na serving the country and serving the people. Sabi ko ‘huwag niyo kalilimutan ito dahil ito yung backbone, you cannot serve the country, you cannot serve the people if you cannot have God in your heart and in your mind. Kahit hindi man tayo Katoliko, alam natin si Allah and the other God, so ayun natutuwa sila.” pahayag ni Bishop Florencio.
Kabilang sa planong bisitahin ng Obispo ay ang mga kawani ng puwersa ng pamahalaan sa Pag-asa Island na may mabigat na mandatong protektahan ang mamamayan sa isla at teritoryo ng bansa laban sa anumang tangka ng pananakop ng mga karatig bansa.
Saklaw ng Military Ordinariate of the Philippines ang paggabay sa buhay espiritwal ng Philippine National Police (PNP), Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine Coast Guard (PCG), Bureau of Fire Protection (BFP), Bureau of Jail Management & Penology (BJMP) at Veterans Memorial Medical Center (VMMC).