361 total views
Mga Kapanalig, may mahalagang pagtitipon ng mga bansa kamakailan na nagbunga ng isang mahalagang kasunduan. Ito ay ang Conference of Parties 27 (o COP 27) ng United Nations Climate Change Conference. Sa pagtatapos ng COP 27 noong isang linggo, nagkasundo ang mga bansang naroon na lumikha ng isang pondo upang tulungan ang mga bansang higit na naaapektuhan ng mga pinsalang dala ng climate change. Lumalabas nga sa mga pag-aaral na 70% ng mga taong pinakaapektado ng climate change ay nasa Timog Silangang Asya, at kasama rito ang Pilipinas.
Ang kasunduang lumikha ng tinatawag na loss and damage fund ay matagal nang itinutulak ngunit ngayon lamang napagdesisyunang ituloy. Nangako rin ang mga mayayamang bansang pinakaresponsable sa mga carbon emissions, na siyang sanhi ng pag-init ng daigdig, na dagdagan ang kanilang mga ginagawa upang lumipat sa tinatawag na low-carbon economy. Ang mga hakbang na ito ay tila pagtalima sa itinuturo ng ating Simbahan, partikular sa Laudato Si’, na ang klima ay nasa pangangalaga ng lahat.
Sa kabila ng mga ganitong positibong hakbang upang mabawasan ang pinsala sa ating planeta at protektahan ang pinakamahihina at mahihirap na mga bansa, marami pa rin ang hindi kumbinsidong tutuparin ng mayayamang bansa ang kanilang mga ipinangako. Noon pa raw dapat ginawa ang mga hakbang na ito dahil ngayon ay mas mahirap nang pigilan ang pag-init ng mundo. Maging si UN Secretary-General Antonio Guterres ay nagsabing ang ating mundo ay mistulang bumibiyahe sa “highway to climate hell” ngunit lalo pa nitong binibilisan ang takbo ng sasakyan nito.
Sa isang banda, may pangamba at kawalan ng tiwala sa kakayahan ng mga bansang gawin ang dapat sana nilang gawin upang mabawasan ang mga panganib na dala ng climate change. Sa kabila naman, may nabuksang pag-asa sa kahandaan at pangako ng mga bansang may gawin upang tulungan ang mga bansang mahihina at patuloy na nasasalanta ng climate change. Alin kaya ang ating pipiliin?
Nagsimula na ang panahon ng Adbiyento sa kalendaryo ng ating liturhiya. Sa ating pananampalatayang Katoliko, ikinakabit natin ang Adbiyento sa paghihintay, sa pag-antabay na may pag-asa sa pagsasakatawang-tao ng ating Panginoong Hesus upang makiisa sa ating buhay sa mundong ito. Tuwing Adbiyento, ginugunita at isinasabuhay natin ang pag-asang dala ng Kanyang pagsilang sa ating mundo upang isakatuparan ang pagliligtas Niya sa atin mula sa kasalanang nagdudulot ng paghihirap sa ating buhay.
Hindi nga ba’t ang mga pinsalang dala ng climate change ay bunga ng kasalanan ng tao? Ang walang habas na pagsira sa kalikasan upang magkamal ng yaman ang iilan ay ang ugat ng paghihirap ng nakararami ngayon. Hindi rin kaya maaaring maganap ang patuloy na pagliligtas sa atin ni Hesus mula sa kapahamakang dulot ng pagsasalaula ng kapaligiran sa pamamagitan ng mga taong may mabuting kalooban? May puwang ba sa ating mga puso ang pag-asa sa patuloy na pagkilos ni Hesus sa kasaysayan sa pamamagitan ng mga taong may mabuting kalooban?
Kaya ba nating manalig sa sinasabi ng Ebanghelyo ni San Juan na “sapagkat gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sangkatauhan, kaya’t ibinigay niya ang kanyang kaisa-isang Anak, upang ang sinumang sumampalataya sa kanya ay hindi mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan”? May sapat kayang sumasampalataya sa Kanya sa mga bansang nangakong gawin ang mga nararapat upang bawasan ang pagsira sa ating mundo at tulungan ang mga nasasalanta ng climate change?
Mga Kapanalig, may kasabihan tayong ang pagkapit sa pag-asa ay isang desisyon. Ito ay isang desisyong magtiwalang magwawagi ang kabutihan sa kasamaan. Nawa’y ang Adbiyento ay maging panahon ng pagsasabuhay ng tiwalang ito at ng pag-asa sa kabutihan ng tao para ibsan ang pagtangis ng ating nag-iisang tahanan.