248 total views
Hinihimok ni Rev. Fr. Anton CT Pascual, Presidente ng Radyo Veritas at Executive Director ng Caritas Manila ang taga-simbahan na lalo pang pag-ibayuhin ang pagtuturo ng kahalagahan ng pag-aasawa.
Ayon sa Pari, isang hamon para sa simbahan ang mga lumabas na datos sa Veritas Truth Survey na isinagawa noong Disyembre 2017 hanggang Enero 2018, na nagpapakita na marami ang pumapabor sa diborsyo.
Aniya, mapanganib kung magiging legal ang diborsyo, dahil magiging sanhi ito ng kawalan ng disiplina at katapatan sa asawa.
“Ang panganib ng paghihiwalay ay hindi talaga kalooban ng Panginoon at nakalagay iyan sa bibliya.” Pahayag ni Father Pascual sa Radyo Veritas
Binigyang diin rin ng Pari, ang kahalagahan na mapagtibay ng simbahan Basic Ecclesial Community o BEC, at mga orgnaisasyon na pang mag-asawa at pampamilya.
Read: Wake-up call sa Simbahan
Aniya, ay noong isa pa siyang parish priest, mahigpit ang kanyang pamantayan sa mga ikakasal, sapagkat kapag inaprubahan ng simbahan, inaprubahan ng Diyos.”
Base pa sa kanyang karanasan, marami ang mga magkasintahan na dumadalo sa pre-cana, o ang seminar na iginagawad bago magpaksal, subalit nagdedesisyong huwag na lamang ituloy ang pagpapakasal dahil napapagtanto ng mga ito na hindi pa sila handa sa buhay pag-aasawa.
“Sapagkat ang pag aasawa ay parang pagpapari, it’s a vocation, it is a calling.”
Iginiit ni Father Pascual na mahalagang balikan ang ugat ng isang relasyon, kung bakit ninanais ng magkasintahan na magpakasal, at alamin kung sila ba ay tunay nang nakahanda para sa isang seryoso at panghabang buhay na pagsasama.
Paalala niya, ang kasal ang siyang pundasyon ng isang matibay na pamilya, at ang pamilya naman ang pundasyon ng nagkakaisang lipunan.