289 total views
Ito ang mensaheng binigyang diin ni Father Dan Vicente Cancino, Jr. M.I. – Executive Secretary ng Catholic Bishops Conference of the Philippines Episcopal Commission on Health Care sa patuloy na pagbisita sa Pilipinas ng hindi naaagnas na puso ni San Camillo de Lellis.
Inihayag ng Pari na dala din ng malinis na puso ng Santo ang mensahe na hindi nalilimutan ng Panginoon ang bawat tao sa kabila ng lumalaganap sa lipunan na pagkakahiwa-hiwalay, siraan, paglapastangan sa buhay, kalayaan, at karapatan sa pagpapahayag ng mga Filipino.
“Yung puso ni San Camillo de Lellis dala nito ang mensahe galing sa ating Panginoong Diyos, mensahe ng pag-ibig, mensahe ng kapayapaan, at mensahe na hindi tayo nakalilimutan ng ating Panginoong Diyos bagamat marami tayong nararanasan dito sa atin na pagkakahiwa-hiwalay, pagsisiraan, pagpatay sa buhay, pagpatay sa kalayaan, hindi lang kalayaan ng mga Filipino pero kalayaan din sa Media, kalayaan ng pagpapahayag.” Pahayag ni Father Cancino sa Radyo Veritas.
Dahil dito, hinimok ng Pari ang mga mananampalataya na bumalik sa tunay na nilalaman ng puso ng bawat tao, ang pag-ibig.
Sinabi ni Father Cancino na sa pamamagitan nito ay maiiwasan ang pagsisiraan, pagkakawatak-watak, at pagsira sa sagradong buhay ng tao.
Binigyang diin ni Father Cancino na kinakailangang manindigan ng bawat mananampalataya at mabuting simulan ito sa pagkalinga sa mga may sakit tulad ng ginawa ni San Camillo de Lellis.
“Ngayon manindigan tayo sa ating pananampalataya na nagmumula mismo sa pag-ibig ng Diyos sa atin, yun ang mensahe ng pagbisita ni San Camillo de Lellis at ito’y nag-uumpisa sa larangan ng kalusugan. Yung mga maysakit na nalagay na sa gilid na nakalimutan na, ilagay natin sila sa puso ng ating lipunan, dun natin umpisahan sa pamilya. Ilagay natin yung mga may sakit akayin natin sila sa pinaka puso ng ating lipunan, ipakita natin na mahalaga pa rin sila sa atin.” Dagdag pa ng Pari.
Naniniwala si Father Cancino na tanging sa pamamagitan lamang ng pagbubuklod ng puso ng bawat tao ay tunay na matutugunan ang mga nangangailangan at mapapawi ang lumalaganap na kadiliman sa lipunan.
Matatandaang ikalawa ng Pebrero 2019, nang dumating sa Pilipinas ang Incorrupt Heart Relic ni St. Camillus, at sa kasalukuyan ay libu-libo na ang mga mananampalatayang nagpupunta sa iba’t- ibang lugar na pinagdarausan ng veneration nito.
Inaasahan naman na patuloy pang dadayuhin ng mga mananampalataya ang iba’t-ibang mga simbahan, at ospital sa ilalim ng 19 na mga Diyosesis at Arkidiyosesis, mula Luzon, Visayas at Mindanao na pupuntahan ng hindi naaagnas na puso ni St. Camillus de Lellis.