204 total views
Pag-ibig na handang magdusa ang ginamit ni Hesus na pangtapat sa kasamaan.
Ito ang pagninilay ng Kanyang Kabunyian Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle sa Pagdiriwang sa Pagpapakasakit ng Panginoon noong Biyernes Santo, ika-19 ng Abril, 2019.
Nilinaw ng Kardinal na pag-ibig ang nagliligtas at hindi ang pagpapakasakit dahil maaaring makaranas ng pasakit ang mga tao gayung hindi naman ito umiibig at anu mang mga paghihirap at pasakit ay hindi magdadala ng kaligtasan kung wala din itong pag-ibig.
“Pag-ibig ang nagliligtas laban sa kasamaan. Nagdurusa ka nga, wala ka namang pag-ibig. Nagdurusa ka nga, reklamo ka naman ng reklamo, walang kaligtasan iyon.” Bahagi ng pahayag ni Cardinal Tagle.
Samantala, sa pagdiriwang ng taon ng mga kabataan, nagbahagi naman ng tatlong punto ang Arsobispo kung paanong maipakikita ang pagtugon sa pag-ibig ni Kristo nahandang magdusa.
PAG-BIG NA NAKABATAY SA KATOTOHANAN
Binigyang diin ng Kardinal na ang tunay na umiibig ay naghahayag ng katotohanan at hindi nagkukubli ng anu man sa kanyang sarili o pagkatao.
Dagdag pa nito kasama ng paghahayag sa katotohanan ay ang katapangan at paninindigan sa kung ano ang totoo, at hindi ang pagkukubi sa likod ng mga kasinungalin.
“Mga kabataan, mabuhay kayo sa katotohanan. Ang umiibig totoo, nakalulungkot na pati sa social media, kung ano-anong pangalan ang ginagamit. Kung bumabatikos matapang lang kasi hindi n’ya ginagamit ang tunay n’yang pangalan. Ang daming duwag sa mundong ito, at dahil duwag, hindi marunong magpahayag ng katotohanan.” Pagbabahagi ng Kardinal.
PAG-IBIG NA HINDI NAGPAPAHAMAK
Umapela naman si Cardinal Tagle sa mga kabataan at sa lahat ng mananampalataya, na huwag maging ugali ang pagpapahamak ng ibang tao mailigtas lamang ang kanyang sarili.
Aniya, tulad ng ipinakita ni Hesus nang siya ay hulihin, hindi nito ipinahamak o ipinain ang isa man sa Kanyang mga alagad at sa halip ay isinuko Niya ang Kanyang sarili upang mailigtas ang iba.
“Kapag nasanay kayo na ipahamak ang iba para lamang maisalba ang sarili, kasasanayan ninyo yan. Baka ipahamak ninyo ang asawa ninyo, baka ipahamak ninyo ang anak ninyo at ang iba pa. Mga kabataan, simulant ngayon ang pagiging marangal na tao, hindi nagpapahamak ng iba. Kung ikaw ang may sala harapin mo, huwag kang magtuturo ng iba na mapapahamak dahil sa iyong pagkatakot at kasinungalingan.”
ANG PAG-IBIG AY HINDI NAPAPATAY NG SINDAK
Samantala, isinalaysay naman ni Cardinal Tagle na ang pagsigaw at paninindak ng mga sacerdote kay Anas, Caifas at Pilato ang dahilan kung bakit ipinako at ipinapatay si Hesus.
Gayunman sa kanilang ng pagsigaw sa Kanya ay katahimikan lamang ang isinagot ng Panginoong Hesukristo dahil batid niyang nasa Kanya ang katotohanan.
Dahil dito, hinamon ng Arsobispo ang mga mananampalataya lalo’t higit ang mga kabataan na simula ngayong Biyernes Santo ay huwag maging katulad ng taong-bayan at mga sacerdote na naninindak ng kapwa, marahas, at mapang-api.
“Isipin ninyo, ang nagpapatay kay Hesus, ang mga naninindak, pasigaw-sigaw. Ang ating tagapagligtas tahimik dahil ang katotohanan ang mananaig.”
Biyernes Santo ang araw kung saan ginugunita ng buong Simbahang Katolika ang kamatayan ni Hesus sa Krus na nagdala naman ng kaligtasan at buhay sa mga mananampalataya.
Sa araw ding ito ay hindi ipinagdiriwang ang Banal na Misa at sa halip ay pinakikinggan at pinagninilayan ang mga Salita ng Diyos hinggil sa kamatayan ni Hesus.
Kabilang sa tatlong bahagi ng pagdiriwang na ito ang Pagpapahayag ng Salita ng Diyos; Pagpaparangal sa Krus na Banal; at Pakikinabang.