432 total views
Nagpasalamat ang Pag-IBIG Fund sa pagkilalang most-trusted government-run corporation.
Ito ay batay sa 2021 Philippine Trust Index (PTI) national survey na isinagawa ng EON Group.
Ayon kay Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) Secretary at Pag-IBIG Fund Chairman Eduardo Del Rosario, patunay lamang ito na ginagampanan ng institusyon ang tungkuling paglingkuran ang milyung-milyong kasapi alinsunod sa hangarin ng pamahalaan na malinis at matapat na paglilingkod sa mamamayan.
“We are truly honored to be included in the list of most trusted government agencies. The latest results of the Philippine Trust Index and our 9th straight unmodified opinion from COA show that we have fulfilled our duties during the pandemic while still maintaining the highest standards of transparency and integrity in our work,” ayon kay Del Rosario.
Binigyang diin pa sa 2021 PTI na ang mga ahensya ng gobyernong nakakuha ng mataas na puntos sa survey ay ang mga nangungunang tanggapan na may direktang pakikipag-ugnayan sa publiko sa larangan ng paglilingkod.
Matatandaang sa pag-iral ng COVID-19 pandemic pinaigting ng Pag-IBIG Fund ang mga programang mapakikinabangan ng mga miyembro at makatulong na harapin ang hamon ng pandemya lalo na sa mga nawalan ng kabuhayan.
Bukod sa mga short term loans tumaas din ang housing loans ng institusyon sa gitna ng pandemya patunay na patuloy ang tiwala at pagtangkilik ng mga miyembro sa programa nito.
Nanguna ang Department of Education sa nakakuha ng pinakamataas na trust rating sa 91-percent na sinundan ng Pag-IBIG Fund sa 89-percent.
Labis din ang pasasalamat ni Pag-IBIG Fund Chief Executive Officer Acmad Rizaldy Moti sa mamamayan sa tiwalang ipinagkaloob sa institusyon.
Tiniyak din ng opisyal ang pagpapalago sa mga programa ng institusyon lalo na sa digital assets upang patuloy na makipag-ugnayan ang mga kasapi sa kabila ng banta ng krisis pangkalusugan.