265 total views
Ang pakiramdam ng pag-iisa o isolation ng tao ay karaniwang mas matingkad kapag panahon ng kapaskuhan. Ngayon sa ating bansa, mas matindi ang pakiramdam na ito dahil malaking bahagi ng ating bayan ang nababalot sa dilim dahil sa pinsalang dala ng Typhoon Odette.
Walang kuryente, walang tubig, walang makain. Ito ang realidad ng marami nating kababayan matapos hagupitin ng bagyo. Ayon sa datos ng Disaster Response Operations Monitoring and Information Center (DROMIC) noong December 20, tinatayang mahigit pa sa 1.8 milyong mamamayan ang naapektuhan sa 3,286 na barangay sa Regions 5, 6, 7, 8, 10, 11, MIMAROPA, at CARAGA. Mahigit pa sa 631,000 katao ang displaced.
Kapanalig, kada may super typhoon, lagi na lamang marami sa ating mga kababayan ang nagiging pulubi—walang wala, dapang-dapa. Naka-ilang super typhoon na sa ating bansa, ngunit hanggang ngayon, parang lagi pa rin tayong nabubulaga. Kulang din ang bayan sa impormasyon dahil walang malawakang coverage ng pinsala ng bagyo, o ng anumang relief o donation drive na ginagawa ng pamahalaan o ng kahit anumang grupo. Madilim na nga ang pangyayari, mas pinadilim pa ng kakulangan ng impormasyon.
Ang epekto ng lahat ng ito ay ang isolation o pag-iisa ng marami nating mga kababayan. Hindi dapat mangyari ito mapa-pasko man o hindi.
Kapanalig, bilang Katoliko, tayo ay dapat tumayo bilang kaagapay ng mga kababayan nating nasalanta sa bagyo. Dito sa atin sa Metro Manila, kung saan abala ang lahat sa paghahanda sa pasko, nararapat lamang na magbigay tayo ng kahit kaunting panahon at biyaya upang makatulong sa ating mga kababayang nakararamdam ng pag-iisa at kawalan ng pag-asa.
Ayon sa Mater et Magistra, The Church has always emphasized that this obligation of helping those who are in misery and want should be felt most strongly by Catholics, in view of the fact that they are members of the Mystical Body of Christ. Mas dama dapat nating mga Katoliko ang udyok ng pagmamahal at pagtulong sa mga naghihirap dahil tayo ay bahagi ng sangkatauhan, magkakapatid sa ngalan ni Kristo. Hindi ba’t ang sakit ng kalingkingan ay dama ng lahat dahil tayo ay iisang kalupunan lamang?
Ang dasal nating lahat ngayong kapaskuhan ay ang matutunan nating lahat na magkaisa at magtulungan upang maibsan naman ang hirap ng ating bansa. Sa panahong said na ang kaban ng bayan, wala tayong mapapagkunan ng lakas kundi ang isa’t isa. At kung hindi tayo magkakaisa, paano na? Isang pahayag mula sa Laudato Si ang angkop sa ating usapin ngayon: When we feel that God is calling us to intervene with others in…social dynamics, we should realize that this too is part of our spirituality, which is an exercise of charity and, as such, matures and sanctifies us.
Sumainyo ang Katotohanan.