164 total views
Nagpapasalamat ang ilang lalawigan sa Luzon sa hatid na ulan ngayong buwan ng Agosto.
Ayon kay Nueva Ecija Social Action Center Former Director Fr. Josix Tolentino, biyaya sa kanilang lugar ang mga pag-ulan lalu’t kinakailangan ito sa kanilang mga pananim partikular na sa mga palayan.
Makakatipid din ayon kay Fr. Tolentino ang mga magsasaka dahil sa hindi na kailangan pang bumili ng gasolina para gumamit ng water pump para sa patubig.
“Bagama’t marami ang naapektuhan ng pag-ulan ngayon, natutuwa kami dito sa ulan kasi kailangang kailangan dito sa amin ang patubig. At makakatipid din ang mga magsasaka dahil mababawasan din ang gastos sa pagbili ng diesel para sa patubig sa mga palayan. Kaya sa amin, maging sa Ilocos ay natutuwa sa pagdating ng ulan dito sa amin,” ayon kay Fr. Tolentino sa panayam ng Radyo Veritas.
Ang Nueva Ecija ang nangungunang lalawigan sa produksyon ng bigas sa bansa, kabilang din ang North Cotabato, Nueva Viscaya, Isabela, Pangasinan at Ilocos Norte.
Sa tala ng Department of Agriculture, higit sa 4 na bilyong piso ang mga hindi napakinabangang pananim ayon sa Department of Agriculture dahil sa tagtuyot.
Ang Nueva Ecija ay kabilang sa mga lugar sa Luzon na naapektuhan ng nakalipas na tagtuyot kabilang din ang Pangasinan, Tarlac, Zambales, Occidental Mindoro at ang Palawan.
Matatandaang nanawagan ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) sa pamahalaan na bigyang tulong ang mga magsasaka para mapanatili ang suplay ng bigas sa bansa.