373 total views
Inihayag ng Opisyal ng Social Action arm ng Archdiocese of Manila na mahalaga ang pag-uusap ng mananampalataya para sa ikauunlad ng Simbahang Katolika.
Ayon kay Caritas Manila Executive Director at Radio Veritas 846 President Father Anton CT. Pascual, ito ang inaasahang bunga sa isinagawang konsultasyon ng Simbahan kaugnay sa ‘Synod on Synodality’ na inilunsad ni Pope Francis bilang paghahanda sa ‘Synod of Bishops’ sa 2023.
Sinabi ng Pari na malaki ang maitutulong sa Simbahan ng mga mungkahing ibinibigay ng mananampalataya mula sa iba’t ibang sektor ng lipunan.
“Mahalagang magkaroon ng bahaginan o dialogue ang buong Simbahan sa pasasalamat at sa mga magagandang programa sa kinabukasan upang lalong lumakas ang pananampalataya at makita ito sa salita at gawa at lalong lumakas ang paghahari ng Panginoon sa ating lipunan,” pahayag ni Fr. Pascual sa panayam ng Radio Veritas.
Dagdag ng Opisyal na napakagandang pagkakataon ang ibinigay ng Santo Papa sa mananampalataya na mapakinggan ang saloobin para sa ikauunlad ng Simbahan.
January 23 nang ginanap ang Mass of Synodality sa Chapel of Padre Pio sa Shangri-la Mandaluyong na pinangunahan ng Kanyang Kabunyian Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula na dinaluhan ng mananampalatayang mula sa iba’t ibang lugar at komunidad.
Ayon naman kay Maria Socorro Villar, Assistant Pastoral Coordinator ng Padre Pio Chapel community, mahalagang pagkakataon ang ipinagkaloob ni Pope Francis sa mamamayan na bumubuo sa Simbahang Katolika.
“It is a very refreshing and a welcome opportunity that Pope Francis gave us, to hear our voices, to hear the very people who comprise the church, yun ang importante,” ani Villar.
Ikinalugod naman ni Elmer Geconcillo, Pastoral Head ng komunidad na ang lahat ng naglilingkod sa Padre Pio Chapel ay pawang servant leaders na nagbahagi ng panahon sa paglilingkod sa Panginoon.
Bukod pa rito ang pakikiisa at suporta ng mananampalataya sa pamamagitan ng mga donasyon tuwing Misa na ibinabahagi sa mga programa ng Caritas Manila.
“Ang mga tao they give more kasi nakikita nila we are here para sa project ng Caritas Manila; nung nalalaman nila na we have so many projects like mga scholarship programs, helping the poor during calamities, they keep on giving,” pahayag ni Geconcillo
Patuloy ang panawagan ni Fr. Pascual sa mananampalataya na magkaisa sa iisang hangaring pagbutihin at suportahan ang Simbahan na kumakalinga sa mamamayan lalo na ang mahihirap.