22,703 total views
Pansamantalang ipinagpaliban ang pagdating sa Diyosesis ng Sorsogon ng mga labi ni Sorsogon Bishop-Emeritus Arturo Bastes dahil sa pananalasa ng Bagyong Kristine sa Bicol region.
Una ng inihayag ng diyosesis ang nakatakdang pagdating ng mga labi ng dating punong pastol ngayong ika-23 o ika-24 ng Oktubre, 2024 bago pa ang pananalasa ng bagyo sa rehiyon kung saan nakatakdang magsagawa ng vigil at wake masses hanggang sa ika-29 ng Oktubre, 2024 ang mga parokya, seminaryo, catholic schools, diocesan institutions at mga religious organization para sa dating Obispo.
Inaasahang pansamantalang ilalagak ang mga labi ni Bishop Bastes sa Sorsogon Cathedral kung saan una ng nakatakda ang pagsasagawa ng Eulogy para sa dating Obispo sa ika-29 ng Oktubre, 2024 habang nakatakda naman sa ika-30 ng Oktubre, 2024 ang paghahatid sa huling hantunangan kay Bishop Bastes sa pamamagitan ng isang Solemn Concelebrated Mass na inaasahang pangungunahan ni Apostolic Nuncio to the Philippines Archbishop Charles John Brown katuwang si Sorsogon Bishop Jose Alan Dialogo at iba pang mga lingkod ng Simbahan ng diyosesis na nagnanais na magbigay pugay sa dating punong pastol sa huling pagkakataon.
Nagsilbing punong pastol ng Diyosesis ng Sorsogon si Bishop Bastes sa loob ng 16 na taon mula ng maitalaga sa diyosesis noong April 16, 2003 hanggang sa magretiro noong October 15, 2019.
Si Bishop Bastes ay nagsilbi rin bilang dating chairman ng Catholic Bishops Conference of the Philippines – Episcopal Commission on Mission na nangangasiwa sa pagtiyak ng pagpapalaganap ng Mabuting Balita ng Panginoon sa pamamagitan ng pagiging misyonero ng ebanghelyo lalo’t higit sa malalayo at liblib na mga lugar.
Pumanaw ang 80-taong gulang na si Bishop Bastes ganap na alas-sais ng umaga noong ika-20 ng Oktubre, 2024 kasabay ng paggunita ng World Mission Sunday 2024.