486 total views
Kapanalig, kadalasan, tayo ay walang pakialam sa mga basurang itinatapon natin. Walang halaga sa atin ang mga iyan, pero sa isang grupo ng mamamayan sa ating bansa, ang basura natin ay pagasa. Sa mga basurero at mga mangangalakal, ang mga kalat natin ay kabuhayan nila.
Ang kanilang mga gawain ay hindi pansin. Mismong sila nga, hindi natin napapansin. Walang statistika na magsasabi ng kanilang bilang. Wala silang mga social benefits o safety nets gaya ng insurance. Maswerte kung sila ay masasama sa mga listahan ng indigents sa kanilang mga barangay, dahil kung kasama sila, maaari silang makatanggap ng tulong mula sa pamahalaan. Pero hindi lamang ayuda ang kailangan nila, kapanalig. Kailangan din silang makilala at mapahalagahan. Sa ating lipunan, mababa ang tingin ng maraming mamamayan sa mangangalakal.
Ang mga mangangalakal sa ating bayan ay yaong nagpapagal sa paglilinis at pagsasagip ng ating basurang itinatapon upang ito’y magamit muli at mabenta. Sa kanilang gawain, nasasabuhay ang konsepto at praktis ng “reduce, reuse, at recycle.” Mahalaga ang kanilang papel sa ating lipunan, lalo’t pa’t dapat pag-ibayuhin ang circular economy—isang modelo ng produksyon at konsumpsyon kung saan ang mga produkto ay nagagamit ng mas matagal sa pamamagitan ng pag recycle, pagkumpuni, pag-upcycle, repurpose, at reuse. Integral na bahagi ng circular economy ang mga mangangalakal. Sa kamay nila, unti unti nating maisasalba ang ating kalikasan.
Sa kabila ng kanilang kahalagahan, ang mga kondisyon at kita sa ganitong uri ng trabaho ay hindi makatarungan. Sa totoo lang, maraming pagkakataon na sila ay binubugaw ng lipunan, na para bagang mga langaw lamang. Mali ito. Kailangan maisaayos natin ang kanilang sitwasyon.
Upang mapabuti ang kalagayan ng mga basurero at mangangalakal sa Pilipinas, may ilang hakbang na maaaring isagawa. Isa na dito ay ang pagkakaroon ng mga awareness raising activities ukol sa circular economy at sa mahalagang papel ng mga mangangalakal dito. Kasama na dapat ito ang wastong waste handling pati health issues.
Kailangan din na mabigyan ng proteksyon ang mga mangangalakal sa pamamagitan ng pagbibigay ng tamang equipment o kagamitan, pati kasuotan. Kailangan din ng pagtaas ng kamalayan ng komunidad ukol sa mahalagang papel at kontribusyon ng mangangalakal sa ekonomiya at kalikasan.
Kapanalig, ang pagasang nakikita ng mga mangangalakal at basurero sa ating lipunan ay hindi lamang para sa kanilang sariling ganansya, nakikinabang din tayo dito. Kailangan nating makita ang kanilang dangal at ambag sa ating lipunan. Sabi nga sa Deus Caritas Est, dapat iisa ang ating layunin: ang pagiging makatao, sa paraan na kumikilala na ang tao ay nilikha sa imahe ng Panginoon, na may buong dignidad. Tayo ay dapat mamuhay na kumikilala at tugma sa dignidad na ginawad ng Panginoon.
Sumainyo ang Katotohanan.