496 total views
Kinilala ng pari ang pagbaba ng bilang ng mga walang trabaho sa bansa.
Ayon kay Rev. Fr. Atillano Fajardo, CM, Head ng Archdiocese of Manila Public Affairs Ministry at Huwag Kang Magnakaw Movement, magandang indikasyon ito para sa mamamayan lalo na ang mahihirap na pamilya.
“Yung pagdami ng mga nabigyan ng trabaho of course indication ito na may perang pumapasok lalong lalo na doon sa mga pamilya kasi directly naapektuhan nito hindi lang yung nagtatrabaho kundi yung pamilya nila.” pahayag ni Fr. Fajardo sa Radio Veritas.
Bagamat kinilala ni Father Fajardo ang nai-ambag ng programang pang-imprastraktura ng pamahalaan sa pagkakaroon ng trabaho ng mga Filipino ay dapat ding tingnan ang epekto sa mamamayan ng ipinatupad na reporma sa pagbubuwis na pinagkukuhanan ng pondo sa Build Build Build program.
Base sa resulta ng Social Weather Station survey, bumaba sa higit 19 na porsiyento ang unemployment rate sa Pilipinas o katumbas sa 8.6 na milyong Filipino na lamang ang walang trabaho sa ikalawang bahagi ng 2018.
Mas mababa ito kumpara sa naitalang mahigit 10-milyong unemployed noong first quarter.
Sa ulat ng Philippine Statistics Authority, tumaas sa 94.6 porsiyento ang bilang mga Filipinong may trabaho at kabilang sa mahigit 40 milyong mamamayan sa Labor Force.
Umaasa ang pari na magpatuloy pang madagdagan ang mga Filipinong magkaroon ng hanapbuhay upang makatugon sa tumataas na presyo ng mga pangunahing bilihin.
SECURITY OF TENURE
Pinaalalahanan naman ni Father Fajardo si pangulong Rodrigo Duterte sa kaniyang pangakong wakasan ang “Endo” para sa mga manggagawang Filipino at mabigyan ng security of tenure ang bawat manggagawa.
Naniniwala ang pari na isang uri ng pananamantala ang kontraktuwalisasyon at ninanakaw dito ang dignidad ng tao at ang kinabukasan ng mga manggagawa.
Ipinaliwanag ng Pari na ang kakulangan at kawalang katiyakan sa benepisyo ng manggagawa matapos ang mahabang panahon ng pagtatrabaho ang isa sa pangunahing suliranin na kinakaharap ng sektor ng manggagawa sa Pilipinas.
Dahil dito, ipinapanalangin ng Simbahan na matugunan ng pamahalaan ang kakulangan ng atensyon para sa mga manggagawa na malaki ang naiambag sa pag-unlad ng bansa.
TRABAHO Bill o TRAIN Law 2
Inihayag din ni Fr. Fajardo na marami ang nangangamba sa isinusulong na package 2 ng Tax Reform for Accelaration and Inclusion (TRAIN) Law dahil magdudulot ito ng paghihirap sa mamamayan.
Bukod sa mga dayuhang mamumuhunan sa bansa ay nangangamba rin ang mga mambabatas at ang mga nagsusulong noon ng TRAIN Law 1 dahil nakikita nito ang magiging epekto sa bansa.
Hinimok naman ng Pari ang Pangulong Duterte na bukod sa iligal na droga ay pagtuunan din ng pansin ang pagpapalago sa sektor ng agrikultura at ihinto ang malawakang smuggling sa bansa.
Sa panlipunang turo ng Simbahang Katolika, pinaalalahanan ang bawat manggagawa na sa bawat trabaho ay tingnan ang gawa ng pag-ibig dahil ito ay nagpapahayag ng pag-ibig sa Panginoon at katapatan sa mga minamahal sa buhay.