404 total views
Ikinagalak ng Opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) ang bahagyang pagbaba ng bilang ng mga walang trabaho sa Pilipinas.
Ito ay matapos na i-ulat ng Social Weathers Station (SWS) na bumaba ang bilang ng walang trabaho sa 11.9-million sa 3rd quarter ng 2021 kumpara sa 13.5-milyong noong 2nd quarter.
Ibinahagi ni CBCP – Permanent Committee on Public Affairs Chairman Imus Bishop Reynaldo Evangelista ang kagalakan at itinuring itong biyaya ng Panginoon.
Sinabi ng Obispo na nangangahulugan ito ng pagbabalik sa trabaho ng maraming mamamayan at hudyat sa kasiguraduhan ng hanapbuhay ng mga pamilyang umaasa din sa isang manggagawa.
Ipinabatid din ni Bishop Evangelista ang pag-asang mas dadami pa ang mga mamamayan na makakabalik sa trabaho katuwang ang ibayong pag-iingat at pagpapabakuna upang makaiwas sa banta ng COVID-19 sa tulong narin ng mga inisyatibo ng bawat parokya at diyosesis.
“Sana ay lalu pa na mabigyan ng pagkakataon ang maraming pang mga manggagawa na makabalik sa trabaho. Siyempre nag-iingat parin tayo dahil sa pandemya pero dahil sa vaccination malaking proteksyon ito sa atin. Tayo ay talagang nagtutulong-tulong, ang simbahan tumutulong sa manggagawa. Maraming ring ng mga diyosesis ang nakikipag-ugnay sa mga lokal na pamahalaan para matulungan ang ating mga manggagawa,” ayon sa panayam ng Obispo sa Radio Veritas.
Panawagan naman ni Bishop Evangelista sa mga manggagawa ang pakikiisa sa malawakang pagbabakuna ng pamahalaan higit na sa mga mamamayan na mayroon pa rin taglay na agam-agam sa mga bakunang ginagamit.
Pagtitiyak ng Obispo ang kaligtasan ng bakunang ginagamit ng pamahalaan na masusing pinag-aralan ng mga siyentipiko bago tuluyang gamitin sa bawat mamamayan sa buong mundo.
Apela pa ni Bishop Evangelista ang agad na pag-tigil ng pagpapakalat ng mga maling impormasyon o FAKE NEWS ng mga indibidwal dahil nagdudulot ito ng pagkalito.
“‘Yung mga nagpapakalat ng maling- fake news tungkol sa masamang epekto ng vaccine tigilan na nila kasi nakakapigil sa kaisipan ng ilang mga taong may takot sa vaccination,” panawagan ni Bishop Evangelista.