157 total views
Umaasa si Budget Secretary Benjamin Diokno na aabot na lamang sa 14 percent ang poverty rate ng bansa matapos ang anim na taong panunungkulan ng Pangulong Rodrigo Roa Duterte.
Ayon kay Diokno, ito ay sa pamamagitan na rin ng paiiraling Dutertenomics ng administrasyon kung saan magiging inclusive ang pag-unlad ng ekonomiya
Giit ni Diokno sa nakalipas na administrasyon ay .5 percent lamang kada taon ang nabawas sa poverty incident habang plano naman ng duterte administration na itaas ito ng 1.2 percent hanggang 1.5 percent bawat taon.
Base sa tala ng Philippine Statistics Authority noong 2015-nasa 21.6 percent ang poverty rate ng bansa na bahagyang bumaba kumpara sa taong 2012 na umaabot sa 25.2 percent.
Inihalimbawa rin ng kalihim na ang paggastos sa imprastraktura sa mga nakaraang administration na hindi tumaas ng 3 percent sa kabuuang Gross Domestic Product (GDP).
Sa panayam sa programang Veritas Pilipinas, sinabi ni Diokno na plano ng kasalukuyang administrasyon na magsagawa ng malaking proyekto na aabot sa P8-9 T o aabot sa 10.4 percent ng GDP ng bansa na magreresulta sa paglikha ng mga trabaho sa mga Pilipino.
Kabilang sa mga planong ipapagawa ng gobyerno ang isang Subway, mga tulay na magdurugtong sa Luzon at Visayas, Leyte at Surigao, mga tren tulad ng Tutuban-Malolos at Malolos-Clark na layuning paigsiin ang oras sa transportasyon.
Paliwanag pa ni Diokno, manggaling ang pondo para sa mga proyekto mula sa buwis ng taong bayan, at utang panglabas na sa kasalukuyan ay nakakuha na ng $18 B mula sa China at Japan na may 2-3 percent interest rate at inaasahan naman ang 20 percent return of investment (ROI).
At kung kaliangan pa ay ipapangutang pa rin natin. Alam mo kasi I have not seen this kind of interest rate before, sinuswerte din tayo na pwede kang mangutang na mga 2-3 percent lang, kasi kung ang ROI naman ay mataas o 20 percent’, ayon kay Diokno.‘
Sa isang kalatas ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) na inilathala noong 1990, sinasabi ditong nararapat na para sa kabutihan ng mas nakakarami ang pag-utang sa labas at hind maging dahilan na mangibabaw ang malakas sa mahihinang bansa. (Veritas News Team)