200 total views
Pangunahing tutukan ng bagong pamunuan ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) ang pagpapa-ibayo ng formation sa mga seminaryo kasabay ng pagdiriwang ng Pilipinas ng Year of the Clergy and Consecrated Persons ngayong taon.
Pagtitibayin ito sa kauna-unahang plenary assembly kasama ang mga bagong halal na opisyal ng CBCP sa pangunguna ng Pangulo na si Davao Archbishop Romulo Valles, at vice-president Caloocan Bishop Pablo Virgilio David.
Ayon kay Fr. Jerome Secillano, executive secretary ng CBCP Permanent Committee on Public Affairs, maraming usapin ang kinakaharap ngayon ng lipunan at napiling tutukan ng pamunuan ang pagtulong ng simbahan sa mahihirap.
“Talagang ang simbahan naman ay may preferential option for the poor ‘yan. Ngayon tinitingnan nila kung paano ang simbahan magiging effective,” ayon kay Fr. Secillano sa panayam ng Radio Veritas.
Inihayag ni Father Secillano na layon ng pagbabago ng guidelines sa mga seminaryo ay makahikayat din ng bagong bokasyon para sa pagpapari.
“Focus ng CBCP ngayon kung paano makakatulong sa mahihirap at ang bagong guidelines ng seminaryo para sa formation ng mga pari. Kasi nga renewal ng clergy, kaya dapat magsisimula sa seminaryo at attuned na rin sa panahon baka outmoded na ang ginagamit natin,” ayon kay Fr. Secillano.
Sa tala ng CBCP Catholic Directory, higit sa 10,000 ang mga pari bagamat nanatiling ang ratio ay isang pari sa bawat 8,000 mga katoliko.
Dagdag pa ni Fr. Secillano, posible ring talakayin ng mga Obispo sa plenary assembly ang ilang usaping panlipunan tulad ng Federalism, Bangsamoro Basic Law (BBL) at ang Constitutional Assembly (Con-ass).
Ang CBCP plenary assembly ay isasagawa sa huling linggo ng Enero na gaganapin sa Cebu City.