824 total views
Mga Kapanalig, ipinagdiwang natin noong Biyernes ang Pandaigdigang Araw ng mga Kababaihan o International Women’s Day.
Dito naman sa ating bansa, ang buong Marso ay itinalaga bilang Women’s Month, at ang pagdiriwang nito ngayong taon ay may temang “We Make Change Work for Women”. Binibigyang-diin ng tema ang papel ng kababaihan sa paggawa ng positibong pagbabago sa ating lipunan, at ang kanilang karapatang makamit ang mga bunga nito. Itinutulak sa pagdiriwang ng Women’s Month ngayong taon ang pagkakaroon ng pagkakataon ng mga babaeng pumasok at magtagumpay sa iba’t ibang larangan, at ang pagtitiyak na naipatutupad ang Magna Carta of Women.
Bakit mahalaga ang mga panawagang ito?
Una, bagamat sinasabing maliit ang gender gap sa ating bansa—ibig sabihin, halos magkapantay ang turing nating mga Pilipino sa mga babae at lalaki—marami pa ring banta sa dignidad, karapatan, at mismong buhay ng mga babae. Halimbawa, ayon sa resulta ng National Demographic and Health Survey noong 2017, 20% ng mga Pilipinang 15 hanggang 49 na taóng gulang ay nakaranas na ng emosyonal na pang-aabuso; 15% ang pisikal na inabuso; at 5% ang sekswal na inabuso. Sinasalamin ng mga datos na ito ang patuloy na karahasan laban sa mga babae, at karamihan sa mga kasong ito ay nagaganap sa kanilang tahanan mismo.
Ikalawa, sa larangan naman na pamumuno, wala pang dalawa sa sampung mga may posisyon sa pamahalaan ang babae. At nakikita natin ang bunga ng isang pamahalaang kontrolado ng mga lider na mababa ang tingin sa mga babae. Nariyan ang walang pakundangan nilang mga rape jokes, pangmamaliit sa kakayahan ng mga babaeng mamuno, at panggigipit sa mga babaeng matapang na pumupuna sa mga maling ginagawa ng mga nasa poder.
Pagbabago ang kailangan sa mga nabanggit nating kalagayan ng mga Pilipina sa kasalukuyan, at isang malaking pagkakataon ang halalan sa Mayo upang patunayang “we can make change work for women.” Pagkakataon iyon upang piliin ang mga babaeng karapat-dapat na maging lingkod-bayan nang maging balanse ang kapangyarihan ng mga lalaki at babaeng nagpapatakbo ng ating pamahalaan. Pagkakataon din ito upang suportahan ang mga kandidatong magsusulong ng mga batas at programang tutugon sa karahasan at diskriminasyong nararanasan ng mga babae. Pagkakataon ito upang tunay na maging makahulugan sa mga babae ang positibong pagbabagong tinatamasa natin.
Kinikilala natin sa Simbahan ang papel ng mga babae sa lipunan. Nakaugat ang pagkilalang ito sa turo ng Simbahan na bagamat bahagi ng magandang plano ng Diyos ang magkakaibang katangian ng mga babae at lalaki, magkapantay sila sa dignidad. Nilikha silang magkatuwang hindi lamang sa pagbubuo ng pamilya kundi sa pagbubuo ng kasaysayan. Ayon pa kay Pope Francis, higit kailanman, mahalaga ngayon ang presensya ng mga babae. Karapatan nilang aktibong makilahok sa lahat ng larangan, at marapat na igiit at protektahan ang kanilang mga karapatan. At ang pulitika ay isang larangan upang makapag-ambag sila ng pagbabago sa lipunan—sila man ay bilang mga indibidwal na lider o bilang kasapi ng mga kilusang nagsusulong ng kanilang mga karapatan at adhikain. (Gayunman, anuman ang kasarian ng mga tatakbo sa halalan at gaya ng ipinapaalala sa atin ng ating mga obispo sa kanilang liham-pastoral noong Enero, mahalagang makapagluklok tayo ng mga opisyal na may prinsipyo, matapang, at isinasaisip ang kabutihan ng lahat o common good, hindi ang kanyang mga pansariling interes.”)
Mga Kapanalig, Women’s Month man o hindi, pagsikapan nating burahin ang panghahamak at pagsasantabi sa mga babae sa ating tahanan at pamayanan. Magagawa rin natin ito sa ating lipunan sa pamamagitan ng pagboto sa mga kandidatong tunay na titindig para sa kababaihan, lalo na ngayong namamayani sa pamahalaan ang pambabastos sa mga babae.