566 total views
Nagpatupad ng pagbabago ang Archdiocese of Manila sa assignment ng mahigit 200 mga pari ng arkidiyosesis.
Sa bisa ng kautusan ni Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula ipinatupad ang reshuffling ng mga pari sa 93 mga parokya kasama ang ilang chaplaincies na sakop ng arkidiyosesis.
Kabilang sa itinalaga ng cardinal si Msgr. Rolando Dela Cruz bilang bagong rector ng Manila Cathedral kahalili ni Fr. Reginald Malicdem na itinalagang chaplain ng Our Lady of Hope Mission Station ng Landmark at SM Chapels sa Makati City.
Nanatili si Msgr. Clemente Ignacio bilang Vicar General at Moderator Curiae ng arkidiyosesis habang nauna nang itinalaga si Fr. Isidro Marinay bilang Chancellor.
Pamumunuan ni Fr. Jerome Secillano ang Shrine of Mary Queen of Peace o EDSA Shrine katuwang si Fr. Matthieu Dauchez.
Naunang itinalaga ni Cardinal Advincula si Fr. Rufino Sescon bilang Rector at Parish Priest sa Minor Basilica of the Black Nazarene kahalili ni Msgr. Hernando Coronel na kasalukuyang nasa misyon sa Yukon Canada.
Samantala mananatili si Fr. Roy Bellen sa media arm ng arkidiyosesis ang Archdiocese of Manila Office on Communication, TV Maria at Radio Veritas 846 kasabay ng pagkakatalagang Team Ministry member ng National Shrine and Parish of the Sacred Heart sa Makati City.
Mananatili rin si Fr. Anton Pascual sa Caritas Manila ang social arm ng arkidiyosesis at sa Radio Veritas.
Matatandaang naantala ang reshuffling ng Manila clergy makaraang italaga ni Pope Francis si dating Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle sa Dicastery for Evangelization sa Vatican noong 2019.
Inaasahang sa Nobyembre magsisimula ang pagbabago ng liderato ng mga parokya sa buong arkidiyosesis.