2,052 total views
Tiniyak ni World Apostolic Congress of Mercy o WACOM-Asia Secretary General Fr. Prospero Tenorio ang pagpapalawak ng misyon ng simbahan lalo na sa pagbabahagi ng habag at awa ng Panginoon.
Sa panayam ng Radio Veritas sinabi ni Fr. Tenorio na bilang itinalagang missionaries of mercy ng simbahan sa bansa ay gagampanan nito ang kaakibat na misyong ipadama ang walang hanggang awa ng Diyos sa sangkatauhan.
“Bilang bahagi ng missionaries of mercy sisikapin naming tunay na maipadama ang awa ng Diyos sa pamamagitan ng sakramento ng kumpisal.” pahayag ni Fr. Tenorio.
Sa kapistahan ng Divine Mercy kaisa ang pari sa paggawad ng sakramento ng pagbabalik loob at ng Banal na Eukaristiya sa National Shrine and Parish of the Divine Mercy sa Marilao Bulacan kung saan tampok ang pagpapakumpisal ng dambana mula alas singko ng umaga hanggang alas otso ng gabi.
Tinuran ng missionary of mercy priest na upang maging ganap ang paghingi ng kapatawaran sa mga kasalanan ay mahalagang aminin ng tao ang pagiging mahina na lantad sa pagkakasala at ang tauspusong pagsisisi sa mga pagkukulang sa Diyos at sa kapwa.
Iginiit ni Fr. Tenorio na sa pamamagitan ng kumpisal ay matulungan ang taong makapagbalik loob sa landas ni Hesus na muling nabuhay.
“Sa pamamagitan ng sakramento ng kumpisal tayo ay matutulungang makapagbalik loob sa Diyos ang mga nasirang ugnayan sa Diyos ay mapapanauli sa pamamagitan ng pananalangin, pagkakawanggawa at pag ayuno tunay nating maisaayos ito at tayo’y pagharian ng biyaya ng kanyang kapayapaan.” ani Fr. Tenorio.
Ayon naman kay National Shrine Social Communication at Fiesta 2023 Committee Head Ted Resurrecion at Commission on Evangelization Head Sara Jean Moya nagsagawa ng iba’t ibang programa ang dambana upang maibahagi ang diwa ng muling pagkabuhay ni Hesus na bukal ng habag at awa.
Ilan dito ang pagdalaw sa mga bilangguan kung saan nagdiwang ng Banal na Misa, nagpakain sa persons deprived of liberty at namahagi ng mga bibliya na maging gabay sa pagbabalik loob at tunay na pagsisisi sa mga kasalanan.
Bukod pa rito ang paggawad sa sakramento ng binyag sa 40 kabataan at kumpil sa 30 indibidwal.
Kapwa inaanyayahan ni Resurrecion at Moya ang mananampalataya na dumalaw sa pambansang dambana anumang oras at tanggapin ang pagpapala ng walang hanggang awa ng Panginoon.
Tuwing ikalawang Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay ni Hesus ay ipinagdiriwang ng simbahang katolika ang Divine Mercy Sunday.