243 total views
Dapat pasamatan ang bawat Ina sa taglay nilang katangian na pagbabahagi at pagbibigay buhay.
Ayon kay Fr. Cunegundo Garganta, executive secretary ng Catholic Bishops Conference of the Philippines-Episcopal Commission on Youth, nawa ay kilalanin ng bawat isa ang naging sakripisyo ng bawat ina sa pagluluwal ng supling at pagbabahagi ng pagmamahal.
Pahayag pa ng pari ito ang likas na katangian ng isang Ina, tulad ng Mahal na Birhen.
“We simply ask the lord to bless them and to continue to help them, to give witness to the capacity, especially the gift that they have in giving and sharing life. So, pasalamatan natin ang ating Ina sa kakayahan at katangiang ito. At ipagdasal natin sila magpatuloy silang magbigay ng ganitong patotoo katulad ni Maria para sa atin at sa ating pananampalataya,” ayon kay Fr. Garganta.
Sa isang pahayag naman ni San Jose Nueva Ecija Bishop Roberto Mallari, binigyan pagpapahalaga naman nito ang mga ina na nagtatrabaho sa iba’t ibang bansa dahil sa sakripisyo na maitaguyod ang kanilang mga anak at mahal sa buhay.
Read:
Mga Ina, mapagmahal at nagbibigay buhay
Sa tala ng Philippine Statistics Authority, 1.3 milyon ang mga kababaihan mula sa kabuuang 2.4 milyon na Overseas Filipino Workers.
Bukod sa pagdiriwang ng Mother’s Day, ipagdiriwang din ng simbahang katolika ang ika-100 taon ng Fatima Apparition, ang pagpapakita ng Mahal na Ina sa tatlong batang pastol kung saan sina Francisco at Jacinta ay nakatakda ding italaga bilang mga bagong Santo kasama ang ilan pang mga martir ng simbahan.
Kaugnay nito, inaanyayahan din ng Radio Veritas ang mga mananampalataya na dumalaw sa Veritas Chapel sa Edsa, West Avenue Quezon City kung saan pansamantalang nakaluklok ang pilgrim image ng Birhen ng Fatima hanggang sa ika-13 ng Mayo at ang relikya nina Blessed Francisco at Jacinta hanggang sa ika-23 ng Mayo.