386 total views
Ang pagpapabakuna laban sa COVID-19 virus ay hindi lamang para sa pansariling kapakanan kundi para sa kaligtasan ng mas nakararami.
Ito ang panawagan ni Diocese of Cabanatuan Bishop Sofronio Bancud kaugnay sa patuloy na Anti-COVID19 Vaccination Roll Out Program ng pamahalaan.
Ayon sa Obispo na siya ring out-going chairman ng CBCP-Episcopal Commission for the Biblical Apostolate (ECBA), hindi dapat mag-atubili ang bawat isa na magpabakuna para sa kaligtasan ng lahat.
“Ito siguro ay magandang panawagan para sa ating mamamayan at lalong lalo na ang mga mananampalataya, ito naman [COVID-19 Vaccine] ay this is offered to us at importanteng gamitin natin ito upang hindi lamang para sa ating kapakanan kundi kapakanan ng nakararami. So huwag tayong mag-atubili [na magpabakuna] totoong may mga exceptional lang naman yung mga naririnig natin but what’s important ay tayo ay makiisa sa ganitong mga panawagan ay makatutulong ito sa nakararami lalo na para sa ating lipunan.” pahayag ni Bishop Bancud sa Radio Veritas.
Pagbabahagi ni Bishop Bancud nakatakda sa ika-22 ng Hulyo, 2021 ang kanyang pagtanggap ng second dose ng AstraZeneca kung saan wala siyang anumang naramdamang adverse effects ng bakuna matapos na matanggap ng unang dosage.
Unang inihayag ng Department of Health na kinakailangang mabakunahan ang nasa 70% ng mahigit 110 milyong populasyon ng mga Filipino ngayong taon upang makamit ang herd immunity mula sa COVID-19 virus.