435 total views
“Kalooban ng Diyos.” Ito ang sa tuwina palagi nating inaalam sapagkat batid nating ito ang pinakamabuti para sa atin. Subalit kadalasan tayo ay nabibigo, naguguluhan kung ano ang kalooban ng Diyos dahil madalas akala natin para itong tanong na isang pindot ay malalaman kaagad ang sagot tulad ng sa Google.
Kauna-unahang hinihingi sa atin upang mabatid ang kalooban ng Diyos ang tayo muna ay “pumaloob sa Diyos” na ibig sabihi’y dapat nasa loob tayo ng Diyos. Kung ikaw ay nasa labas ng Diyos, tiyak ikaw ay lumayo sa Kanya dahil sa kasalanan; kaya, pagbabalik-loob sa Kanya ang kinakailangan.
Ibig kong simulan dito ang pagninilay sa Kapistahan ng Pagbabagong-buhay ni San Pablo Apostol na ating ipinagdiriwang sa araw na ito. Ito ang upisyal na salin mula sa Inggles ng “Feast of the Conversion of St. Paul the Apostle” na tila may kulang.
Ganito kasi iyon: Tama rin namang sabihing “pagbabagong-buhay” dahil bawat conversion wika nga ay pagbabago tulad ng na-convert sa ibang relihiyon o sa ibang anyo o gamit. Ngunit sa bawat pagbabago, mayroong higit na malalim na nababago na hindi namang ibig sabihin ay nag-iiba o nagiging different.
Kasi iyong sinasabing conversion ni San Pablo o ng sino pa mang tao ay hindi naman pagbabago ng pagkatao kung tutuusin; sa bawat conversion ng isang makasalanan o masamang tao, hindi naman nababago yaong tao talaga kungdi kanyang puso na siyang naroon sa kanyang kalooban.
Ibig bang sabihin ang pagbabagong buhay ay yaong dating masayahin o palatawa magiging malungkutin o iyakin? Yaong dating mapusok at malakas ang loob magiging duwag? O yaong pagbigla-bigla at padaskol-daskol ay magiging makupad at mabagal sa pagdedesisyon?
Sa pagbabagong-buhay ng sino man tulad ni San Pablo, hindi nababago ang pagkatao: mapusok pa rin si San Pablo, palaban at matapang nang tawagin at sumunod kay Kristo. Hindi naman nabago kanyang karakter pero nabago kanyang puso na nahilig sa kalooban ng Diyos pagkaraan. Iyong kanyang dating kapusukan at katapangan sa pag-uusig ng mga Kristiyano ay nalihis naman sa pagpapahayag ng Mabuting Balita ni Hesus sa mga Hentil at kapwa niya Judio.
Kaya naman higit na malalim at makahulugang isalin ang conversion ng sino man sa katagang “pagbabalik-loob”. Bawat nagkakasala ay lumalayo ang loob mula sa Diyos na ibig sabihin ay “ayaw sa Diyos” gaya ng ating pakahulugan tuwing sinasabing “malayo ang loob”.
Kapag nagsisi at tumalikod sa kasalanan ang isang tao, hindi lamang siya nagbabagong-buhay o nag-iiba ng pamumuhay kungdi higit sa lahat, siya ay “nagbabalik-loob” sa Diyos. Tatlong bagay ang itinuturo sa ating ni San Pablo sa kanyang karanasan ng pagbabalik-loob sa Diyos.
Una, bawat pagbabalik-loob ay isang personal na pagtawag at paanyaya mula sa Panginoong Hesus. Batay sa salaysay ni San Pablo, “Nasubasob ako sa lupa, at narinig ko ang isang tinig sa akin, ‘Saulo, Saulo!’”(Gawa 22:7).
Araw-araw inaanyayahan tayo ni Hesus na magbalik-loob sa Kanya.
Iyong mabatid lamang natin sa ating kalooban na mali ang ating ginagawa o kaya tayo ay kabahan at matakot sa isang masamang gawain, iyon na ang tinig ni Hesus na tumatawag sa atin katulad kay San Pablo.
Huwag na nating hintayin pa ang isang “dramatic” o “bonggang” pagkakataon wika nga upang pakinggan ang tawag ng Panginoon katulad nang mahulog sa kanyang kabayo si San Pablo. Hindi ibig ng Diyos na sumadsad pa ang ating buhay sa kasamaan at mawala na ang lahat ng pagkakataong makabalik pa sa Kanya.
Ikalawa, madalas kapag tayo tinawag ng Diyos na magbalik-loob sa Kanya ay hindi kaagad maliwanag ang lahat sa atin kaya kailangan natin ng taga-akay: “Nabulag ako dahil sa kaningningan ng liwanag na iyon, kaya’t ako’y inakay na lamang ng mga kasama ko papasok sa Damaso” (Gawa 22:11).
At hindi lamang basta taga-akay ang kailangan natin sa bawat pagbabalik-loob kungdi isang mahusay na gabay katulad ni Ananias na “isang taong may takot sa Diyos, tumutupad sa Kautusan, at iginagalang ng mga Judiong naninirahan sa Damasco” (Gawa 22:12).
Si Ananias ang ginamit ng Diyos upang mapagaling ang pagkabulag ni San Pablo at malahad sa kanya ang kalooban ng Diyos na mapalaganap ang Mabuting Balita.
Ang mahusay na gabay ay yaong pumapawi at nagpapagaling sa ating mga pagkabulag sa katotohanan ng Diyos sa buhay na ito. Wika mismo ni Hesus, maaring bang maging taga-akay ng mga bulag ang isa pang kapwa bulag?
Magkaroon ng isang mabuting taga-akay o spiritual director na hindi namang dapat pari o madre lamang kungdi yaong isang mabuting pastol na kalakbay at kaagapay sa ating spiritual journey.
Ikatlo, bawat tawag sa pagbabalik-loob sa Diyos ay palaging paanyayang pumasok sa isang komunyon o kaisahan kay Hesus at Kanyang pamayanan o komunidad. Ito ang magandang bahagi ng pagtawag kay San Pablo: nagpakilala si Jesus bilang kanyang inuusig na Kristiyano, “Saulo, Saulo! Bakit mo ako pinag-uusig? Ako’y si Jesus na taga-Nazaret na iyong pinag-uusig” (Gawa 22:7,8).
Ang totoong pagbabalik-loob o pagbabagong-buhay ay yaong hindi lamang makita ang sarili kungdi makita ang kanyang kaisahan kay Hesus at sa kapwa-tao. Walang kabuluhan ang ano mang pagpapakabuti ng sarili na nakahiwalay sa Diyos at sa kapwa. Hindi kabutihan kungdi kapalaluan ang walang ibang makita kungdi sarili.
Madaling sabihin ang mga bagay na ito at sadyang mahirap gawin. Subalit kung ating susuriin ang naging buhay ni San Pablo, hindi lamang minsanang pangyayari ang magbalik-loob sa Diyos.
Isang mahabang proseso ang kanyang pinagdaanan sa kanyang pagbabalik-loob o pagbabagong-buhay; katulad natin marahil siya ma’y nagkakasala minsan-minsan sa Panginoon.
Ang mahalaga ay ang patuloy niyang pagninilay at pananalangin, ang pagsisikap niyang “pumaloob sa Diyos” upang mabatid at maisakatuparan ang Kanyang Banal na Kalooban na “Humayo kayo sa buong sanlibutan at ipangaral ninyo sa lahat ang Mabuting Balita” (Mc.16:15).
Kaya, huwag manghinawa sakaling mabagal ang iyong “pagbabagong-buhay”; minsa’y akala mo lamang wala namang nababago at masama ka pa rin.
Hindi totoo iyan dahil batid ni Hesus, nakikita ni Hesus ang pagsisikap natin mula sa kaloob-looban natin hindi pa man tayo pumapaloob sa Kanya.
Ang totoo kasi, palagi namang nasa loob natin si Hesus, kahit anong pilit nating lumayo sa Kanya. Amen.