457 total views
Sang-ayon si San Carlos, Negros Occidental Bishop Gerardo Alminaza sa pagbalik ng Estados Unidos sa Paris Agreement on Climate Change.
Ito’y kasunod ng pagtatalaga sa bagong Pangulo ng Estados Unidos na si US President Joe Biden.
Sa panayam ng Radio Veritas kay Bishop Alminaza, Vice-chairman ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines-Episcopal Commission on Social Action, Justice and Peace, sinabi nitong ito’y isang magandang hakbang upang mapangalagaan ang ating kalikasan at mapigilan ang tuluyang pag-init ng mundo.
Paliwanag ng Obispo na ang America, na isa sa mga bansang malaki ang inaambag sa carbon emission ay dapat lamang na manguna sa pagsunod sa Paris Agreement na layong tiyaking maaabot ang one point five degrees Celcius na temperatura ng daigdig sa taong 2030.
Makakamit lamang ito kung tuluyang mababawasan o maipapatigil ang coal-fired power plant sa iba’t ibang bansa na nagdudulot ng polusyon at nakadaragdag sa pag-init ng temperatura ng kapaligiran na nagreresulta sa pagbabago ng klima ng daigdig.
Samantala, ikinatuwa naman ng grupong Living Laudato Si-Philippines ang naging desisyon ng Amerika sa pagbalik sa nasabing kasunduan.
Ayon kay Rodne Galicha, Executive Director ng grupo na nawa sa administrasyon ni Biden ay mabigyang-pansin ang karapatan ng mga mahihirap na bansa na makahingi ng ayuda bilang tulong sa kanilang mga pangangailangan.
Gayundin ay mabayaran na rin ng mga malalaking bansa ang kanilang utang na nagiging sanhi ng mga carbon at greenhouse emission na lalong nagpapalala sa pagbabago ng klima ng mundo.
“Hopefully, na sa administrasyon ni Pangulong Biden, maiha-highlight yung karapatan ng mga mahihirap na bansa sa pagdemand ng mga ayuda at yung pagbayad mismo ng utang ng mga malalaking bansa na naging dahilan ng malaking carbon emissions at greenhouse gas emissions,” bahagi ng pahayag kay Galicha sa panayam ng Radio Veritas.
Hiling din ni Galicha na sana’y paigtingin at palakihin ang teknikal at pinansyal na tulong ng Estados Unidos sa bansa para sa pagpapalakas ng mitigation at adaptation measures lalung-lalo na sa mga pinsalang idinulot at iniwan ng mga nagdaang sakuna.
“Sana naman ay paigtingin at palakihin ang tulong nung United States of America sa teknikal na kaparaanan at syempre sa pinansyal na kaparaanan sa pagpapalakas ng ating mga mitigation measures at adaptation measures natin at lalong-lalo na mga losses and damages na resulta nung climate crisis,” ayon kay Galicha.
Dagdag pa ni Galicha, “Malaki ang pag-asa natin. Naandyan ang ating mga church leaders para payuhan si Pangulong Biden na gawin ang nararapat upang protektahan ang human rights, ang buhay ng tao at pati na rin ang buhay ng kalikasan ng ating bansa.”
Ang Paris Agreement on Climate Change ay ang kasunduan ng mga bansang kasapi sa United Nations, kabilang na ang Pilipinas, na nangakong panatilihing mababa pa sa two degrees Celsius ang pagtaas ng temperatura sa mundo kumpara noong panahon bago ang industriyalisasyon.
Noong 2017, ang Estados Unidos ang unang bansang umatras sa Paris Agreement, matapos na ihayag ng dating pangulo nito na si Donald Trump ang pag-urong nito sa nasabing kasunduan.
Sa pagkakahalal kay Biden bilang bagong pangulo ng Amerika, balak nitong tugunan ang usapin hinggil sa pagbabago ng klima ng mundo sa pagbalik sa Paris Agreement.
Gayundin ang paghikayat sa ibang bansa na paigtingin pa ang pagbawas sa paggamit ng karbon at ang pagbabawal sa paggamit ng fossil fuels sa buong mundo.
Nauna dito, sinabi ni Pope Francis sa Laudato Si na kinakailangang gumawa ng batas ang mga pinuno ng bawat bansa ng polisiyang magtatakdang palitan ng renewable energy ang paggamit ng maruruming fossil fuels na sumisira sa kalikasan at nagpapainit sa daigdig.