230 total views
Positibo ang pananaw ng grupong EcoWaste Coalition na maiaalis na sa Pilipinas ang mga container vans na naglalaman ng mga nabubulok at nakalalasong kalat mula sa bansang Canada.
Ito ay matapos maaprubahan ng Manila Regional Trial Court ang pag-e-export o pagpabalik ng 50 container vans ng mga basura sa bansang Canada.
Ayon kay Thony Dizon, campaigner ng grupo, bagamat 50 pa lamang ang naaprubahan ay maganda na itong senyales upang hindi magpatuloy ang pang aabuso ng mayayamang bansa sa Pilipinas.
“Isa itong magandang indikasyon nang pagiging sinsero ng ating pamahalaan para maialis itong mga basura na ‘to dahil kung hindi mangyari ito, magiging tambakan tayo ng basura ng iba pang mga bansa,” pahayag ni Dizon sa Radyo Veritas.
2013 nagsimula ang pagpapasok sa Pilipinas ng mga 50 footer container vans na naka-consign sa Chronic Inc.
Sa papeles ng kumpanya, ang mga container vans ay naglalaman ng plastics at recyclable materials, subalit natuklasan ng Bureau of Customs na mga kemikal at nabubulok na mga bagay ang nilalaman nito.
Sa kasalukuyan umabot na sa 103 container vans ang nakaimbak sa Manila International Container Port at Subic Port.
Kaugnay dito, una nang kinondena ni Pope Francis sa encyclical nitong Laudato Si ang ginagawang pang-aabuso ng mga mayayamang bansa, sa mga third world countries tulad ng Pilipinas.