354 total views
Inihayag ng pinuno ng Colegio de San Juan de Letran na ang pagbalik ng Mahal na Birhen ng Santo Rosaryo de La Naval de Manila sa orihinal na tahanan sa Intramuros Maynila ay hindi lamang maituturing na pagdiriwang sa pananampalataya.
Ayon kay Reverend Father Clarence Victor Marquez, OP, ang Rector at President ng institusyon, pagpalalim ng pananampalataya at sentro ng buong pagdiriwang ang ginugunita.
“Ang pagbalik ng Mahal na Birhen ng La Naval de Manila sa Intramuros ay hindi basta-bastang pagdiriwang kundi ito ay isang debosyon, pagpapakita ng pagmamahal at pananampalataya ng buong bansa,” pahayag ni Fr. Marquez sa Radio Veritas.
Magugunitang huling ginanap ang prusisyon ng Mahal na Ina sa paligid ng Intramuros noong 1941 bago sumiklab ang ikalawang digmaang pandaigdig na sumira sa lugar.
Makaraan ang mahigit anim na dekada muli itong iniluklok sa Minor Basilica and Metropolitan Cathedral of the Immaculate Conception o Manila Cathedral kung saan pinangunahan ni Manila Archbishop Cardinal Luis Antonio Tagle ang reenactment sa pagpuputong ng korona sa Mahal na Birhen na ginanap noong 1907.
Sa pamimintuho ng mga Filipino sa Mahal na Ina, pinaniniwalaan na sa tulong ng Mahal na Birhen tungo sa kanyang anak na si Hesus ay napagwagian ng Pilipinas ang iba’t-ibang pagsubok.
“Sa kasaysayan ang Mahal na Ina ng Santo Rosaryo ng La Naval ay gumawa ng himala upang maligtas ang Pilipinas kaya inaasahan natin na sa maraming hamon at hirap na hinaharap ng ating bayan, humingi tayo ng tulong sa ating Mahal na Ina tungo sa kanyang Anak upang maligtas tayo at mapagwagian natin ang anumang hirap,” saad ng Pari.
Umaasa si Fr. Marquez na ang pagdiriwang din ay maging daan upang dumaloy sa gawa ng tao at tunay na makapaghahatid ng pagbabago at magpapabuti sa buhay ng bawat mananampalataya.