49,449 total views
Mga Kapanalig, inabangan bago matapos ang 2024 ang pagpirma ni Pangulong Bongbong Marcos Jr sa pambansang badyet para sa 2025.
Matapos daw ang “exhaustive and rigorous”—o kumpleto at masinsin—na pagre-review sa panukalang badyet ng Kongreso, inaprubahan ng presidente ang badyet na nagkakahalaga ng 6.35 trilyong piso, kasabay ng paggunita ng bansa sa Rizal Day. Inalis daw ni PBBM ang 194 bilyong pisong pondo para sa ilang line items o mga proyekto at programa ng mga ahensya ng pamahalaan. Salungat daw ang mga ito sa prayoridad ng administrasyon kaya tinanggalan ng badyet.
Sa kabila nito, may mga pumupuna pa rin sa ipinasang badyet.
Isa sa mga ito ang Philippine Business for Education (o PBEd), isang grupong nagsusulong ng reporma sa sektor ng edukasyon sa bansa. Ikinababahala ng PBEd ang lumalaking discretionary funds sa ating badyet. Ang discretionary funds ay tumutukoy sa mga line items na nilaanan ng pondo kahit pa hindi malinaw kung para saan ang mga ito o wala namang tukóy na proyekto. Ang mga ito ay kadalasang napupunta sa mga proyektong gustong ipagawa ng mga mambabatas para sa kanilang distrito.
Hindi ito nalalayo sa Priority Development Assistance Fund (o PDAF) na sinabi na ng Korte Suprema na labag sa ating Konstitusyon. Hindi na nga alinsunod sa batas, nagagamit pa ito sa katiwalian ng mga pulitiko. Natatandaan pa sana ninyo ang PDAF scam noon kung saan nakakuha umano ng kickback ang mga mambabatas mula sa pondong inilagak nila sa mga pekeng NGO ni Janet Lim Napoles. Baka akala ng ating mga mambabatas at lider na nakalimutan na ito ng publiko kaya naisingit nila ang discretionary funds sa badyet ngayong taon.
Saan dapat inilaan ang discretionary funds na ito? Sasang-ayunan natin dito ang PBEd—dapat inilagay ang pondong ito sa edukasyon, kalusugan, at nutrisyon ng taumbayan. Kapag may edukasyon ang mga tao, kapag sila ay malusog, at kapag hindi kumakalam ang kanilang sikmura, makaaangat sa buhay ang mahihirap. Ang marunong at malusog na mamamayan ang pundasyon ng isang malakas at matatag na ekonomiya, dagdag ng PBEd.
Gaya ng inaasahan, ipinagtanggol ng mga mambabatas ang ipinasang badyet. Wala raw ditong nakapaloob na discretionary funds. Kapani-paniwala sana ito kung hindi malaki ang inilobo ng pondo ng DPWH na karaniwang ginagatasan, ‘ika nga, ng mga pulitiko. Kapani-paniwala sana ito kung pinanatili ang pondong nakalaan dapat sa computerization program ng Department of Education na mahalagang-mahalaga para makasabay ang ating mga mag-aaral sa nagbabagong anyo ng pagkatuto. Kapani-paniwala sana ito kung binigyan pa rin ng subsidiya ng PhilHealth para tulungan ang mga kababayan natin sa tuwing nangangailangan silang maospital. Kapani-paniwala sana ito kung hindi inalis ang ayuda para sa pinakamahihirap sa ilalim ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program.
Sa kanyang talumpati pagkatapos pirmahan ang badyet, sinabi ni PBBM na sineseryoso ng administrasyon ang kanilang papel bilang tagapangasiwa ng perang mula sa buwis ng mga mamamayan. Seryosohin natin ang mga salitang ito ng presidente. Bantayan natin ang paggastos sa trilyun-trilyong pisong ipinagkatiwala natin sa ating gobyerno. Tandaan natin ang itinuturo ng Gaudium et Spes, isang Catholic social teaching: dapat makamit ng tao ang lahat ng kailangan nila para mabuhay katulad ng pagkain, tirahan, at edukasyon. Sa pagkamit nito, katuwang nila dapat ang gobyerno na ang pangunahing tungkulin ay masinop na gamitin ang pera ng bayan.
Mga Kapanalig, salamat sa mga grupong nagbabantay at sumusuri sa pambansang badyet. Parang sila ang tinutukoy sa Mga Kawikaan 4:26 na “[sumisiyasat nang] mabuti [sa] landas na lalakaran” natin bilang isang bayan. Tayong taumbayan naman, dapat ding nagbabantay. Huwag nating hayaang bumalilk ang pork barrel. Huwag nating bigyan ang mga nasa gobyerno ng pagkakataong makapagnakaw.
Sumainyo ang katotohanan.