369 total views
Kapanalig, ang pagkakaroon ng bagong administrasyon ngayon ay isang golden opportunity upang mapanumbalik ang respeto ng ating lipunan sa mga kapulisan.
Matapos ng madugong drug war ng nakaraang administrasyon, napaka-sarap lasapin ang katahimikan ngayon. Lipas na ang mga araw na laging headline ang pagpatay ng maralita sa ngalan ng droga, na sana ay hindi na maulit. Ang katahimikang ito ay pagkakataon para sa bagong simula para sa ating mga kapulisan. Pagkakataon ito na maitaas pa ang kanilang trust rating. Nitong Agosto noong nakaraang taon, ang PNP ay isa sa mga may pinaka-mababang approval rating sa mga ahensya ng gobyerno. Nasa 27% lamang ang approval rating nito, ayon sa survey ng Publicus Asia.
Paano ba maibabalik ang respeto at tiwala ng mga mamamayan sa kapulisan?
Isa sa mga paraan upang magawa nila ito ay ang paglilinis ng mga tauhan sa kanilang hanay at dagdag na pagsasanay hindi lamang sa peace and order, kundi sa mga tema gaya ng gender sensitivity, restorative justice, anti-corruption, human rights, at communication. Ang mga pagsasanay na ito ay isang paraan upang masiguro natin ang holistic development ng ating mga kapulisan. Malaki ang impact nito sa ating lipunan dahil ang mga training gaya nito ang tutulong sa ating kapulisan na itrato ang mga sibilyan ng may respeto at “fairness.”
May pag-aaral sa Estados Unidos na nagpapakita na kapag ang kapulisan ay nagpapakita ng respeto sa sibilyan, mabilis itong nakikipag-cooperate dahil nakikita niyang “legitimate legal authority” ang pulis. Binabalik ng sibilyan ang respetong ibinibigay ng pulis at mas ginaganahan silang sumunod sa batas. Inuudyukan pa nila ang kanilang komunidad na aktibong sumunod sa batas. Mas tumutulong pa, ayon sa pag-aaral, ang mga sibilyan na magreport ng krimen at ng mga gumagawa ng krimen kung ang mga pulis ay makatarungan at may respetong nakikipag-ugnayan sa mga sibilyan.
Ayon kay Pope Francis, noong siya ay nakipagpulong sa mga pulis sa Italya noong November 2017, ang mga pulis ay ang first line of defense laban sa mga pwersa ng mga krimen at kaguluhan sa lipunan. At paalala niya: “Your service, often not adequately admired, places you at the heart of society and, for its high value, I do not hesitate to define it as a mission, to undertake with honor and a deep sense of duty, to the service of man and of the common good.”
Sumainyo ang Katotohanan.