699 total views
Ikinalungkot ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ang pagkakahati-hati ng mamamayan dahil sa usapin ng pulitika.
Sa Pastoral Statement ng CBCP na may paksang ‘Ang Katotohanan ang Magpapalaya sa Inyo (Juan 8:32)’ hinimok nito ang mamamayan na hanapin ang katotohanan upang magkaroon ng pagbubuklod sa pamayanan.
“Nawa ang kapakanan ng lahat (common good) ang higit nating isaalang-alang. Igalang natin ang isa’t-isa, huwag tayong padadala sa galit, iwasan ang panghuhusga. Masigasig nating hanapin ang katotohanan. Gawin ang tama, iwaksi ang mali at masama,” bahagi ng pastoral statement ng CBCP.
Nababahala rin ang mga obispo sa historical revisionism na ipinalalaganap lalo na sa social media na maaring makakaapekto sa kaisipan ng mamamayan sa paghalal ng mga lider ng bansa.
Tinukoy ng CBCP ang pagbaluktot sa kasaysayan ng Martial Law na sinasabing ‘golden age’ ng bansa at ang katotohanan ng EDSA People Power Revolution noong 1986.
Anila, hindi imbento ang makasaysayang pangyayari sa EDSA sapagkat ito ay bunga ng pakikipagkaptiran at pananampalataya.
“Nakababahala lamang ang pagbabaluktot ng kasaysayan at tila pagbura ng ating alaala sa pamamagitan ng paghahasik ng mga maling kuwento at kasinungalingan. Mapanganib ito sapagkat ito’y paglason sa ating kamalayan at pagwasak ng mga pundasyong moral ng ating mga institusyon,” dagdag sa pahayag.
Hamon ng mga pastol ng simbahan sa mananampalataya na suriin ang sarili kung napabilang ito sa naghahasik ng kasinungalingan sa lipunan na nagpaparalisa sa kakayahang kilalanin ang Diyos at igalang ang kabutihan at katotohanan.
Kaugnay nito muling umapela ang CBCP sa mahigit 60-milyong botante lalo na sa kabataan na suriing mabuti at kilalanin ang bawat lider na iluluklok sa posisyon sapagkat dito nakasalalay ang kinabukasan ng bayan.
“Nananawagan kami sa inyo, mga kapatid – lalo na sa ating mga kabataan – na suriing mabuti ang mga nangyayari patungkol sa pagtataguyod natin ng makatotohanan at makatarungang lipunan. Mag-usap-usap at mag-aninaw kayo. Pakinggan ang inyong konsyensya. Kayo rin ang magdesisyon,” giit nito.
Naniniwala ang Simbahan sa kakayahan ng nasasakupan na piliin ang mabuti at katotohanan tungo sa isang maayos at maunlad na pamayanang nagbubuklod sa katarungan at kapayapaan.