30,629 total views
Nanawagan ang Climate Change Commission ng pagtupad sa Nationally Determined Contribution na pagbabawas ng emission mula sa mga Coal Fired Power Plants lalo na ng malalaking mga bansa.
Ayon kay Lourdes Tibig, isa sa mga author ng Intergovernmental Panel on Climate Change (IPCC) Report on Oceans and Cryosphere at member ng National Panel of Technical Experts, ng Climate Change Commission, natatanging solusyon ang pagbabawas ng emission upang makontrol at maging mas mababa sa 1.5 degree centigrade ang temperatura ng mundo.
“It is very true that the Philippines is highly vulnerable not just because of its exposure but also because it’s adaptive capacity is low. Our access to resources is not as high as that of the developed countries, they are the ones who really polluted the atmosphere and it is the nature of this greenhouse gas emission that is really dictating the length, of the gravity of the problem and also the vulnerability of the countries.” Pahayag ni Tibig.
Ipinaliwanag ni Tibig ang mga pagbabagong nagaganap sa kasalukuyan sa karagatan at ang mga pagbabago ng klima na epekto ng pag-init ng daigdig.
Aniya, 5-porsiyento ang itinaas ng extreme wave heights sa buong mundo sa nakalipas na tatlong dekada dulot ng pagkatunaw ng mga ice sheets at glaciers.
Sinabi ni Tibig na dahil sa pag-init ng mundo ay nagkakaroon din ng marine heat wave, o pag-init ng karagatan na dumoble na simula pa noong 1982.
Namamatay ang ilang isda o lumilipat ng lugar kapag umiinit ang temperatura ng tubig sa dagat, bukod dito ang init ay nagdudulot din ng coral bleaching o pagkamatay ng mga corals na dahilan upang mawalan ng tirahan at breeding grounds ang mga isda.
Inihayag ni Tibig na dahil sa pag-init ng mundo ay asahan na din ang mga mas matitinding weather disturbances tulad ng mas malalakas na mga bagyo, gaya ng typhoon Haiyan o Yolanda sa Leyte at ang bagyong Ondoy na nanalasa sa Metro Manila sampung taon na ang nakalilipas.
Dagdag pa nito, ang naranasang weather phenomenon na extreme El Niño at La Niña ay maaari pang muling maranasan ng mas matindi kumpara sa normal na nararanasan ng bansa sa mga nagdaang taon.
Iginigiit ni Tibig na ang pagtutulungan ng lahat ng mga bansa, lalo na ang mga developed countries ang natatanging susi upang mapabilis ang pagpapababa sa temperatura ng daigdig, at maisaayos ang kalagayan ng klima sa mundo.
“The strongest way the most effective way is to reduce emissions. I’m saying global effort to reduce emission, I’m referring to the ultimate goal of the Paris Agreement, keeping the temperature degrees to 1.5, it takes the whole globe to do that.” pahayag ni Tibig
Kamakailan ay nanawagan din ang Kanyang Kabanalan Francisco ng kagyat na pagkilos mula sa mga bansa dahil sa Climate emergency na umiiral ngayon sa mundo.
Nauna dito, sinabi din ng Santo Papa sa encyclical na Laudato Si na kinakailangang gumawa ng batas ang mga pinuno ng bawat bansa ng polisiyang magtatakdang palitan ng renewable energy ang paggamit ng maruruming fossil fuels na sumisira sa kalikasan at nagpapainit sa daigdig.