860 total views
Ikinagalak ng Ecowaste Coalition ang pakikiisa ng Paint Industry sa pagpapanatili ng malusog na kalusugan ng mamamayan.
Ayon kay Jeiel Guarino – Campaigner ng Ecowaste Coalition, malaking bahagi ang pagtatanggal ng lead content sa components ng mga pintura lalo na para sa kalusugan ng mga batang madaling maapektuhan ng negatibong dulot nito sa katawan ng tao.
“Nagpapasalamat tayo dahil itong certification program ay nagpapakita na yung mga industriya ng pintura sa ating bansa ay katuwang ng civil society groups at ng ating gobyerno sa pagpapanatili ng kalusugan ng mga bata at ng lipunan ay maganda, at hindi sila gumagamit ng mga kemikal,” bahagi ng pahayag ni Guarino sa Radyo Veritas.
Samantala, siniguro ng Ecowaste Coalition na hindi magmamahal ang halaga ng mga pintura sa kabila ng mga adjustment na sangkap na kemikal.
“Yung mga nakausap naming kumpanya sinabi nila na hindi, kasi matagal na nilang ginawa. Yung Boysen, 2006 palang, nag start na silang magtanggal ng lead sa kanilang pintura, at that time, wala pa yung batas so it was voluntary on their part to take out Lead on their paints, same with Davie’s maaga rin sila nag start,” dagdag pa ni Guarino.
90 parts per million of lead ang itinalagang limitasyon ng United States Consumer Product Safety Commission para sa mga pintura at kagamitan ng tao.
Samantala, ilan sa mga nakiisa at nanguna upang matanggal ang lead content sa components ng mga pintura ang Philippine Association of Paint Manufacturers, International Positive Education Network o IPEN, Boysen at Davie’s.
Matutukoy naman kung walang lead ang mga pintura sa pamamagitan ng taglay nitong marka na “Lead Safe Paint Logo”.
Una nang binigyang diin ng Kanyang Kabanalan Francisco sa Laudato Si ang kahalagahan ng pagsasaalang-alang ng kalusugan ng tao at kalikasan higit sa mga pansariling interes.