270 total views
Labis na nababahala ang mamamayan ng Sta. Cruz Zambales sa pagsisimula ng panahon ng tag-ulan.
Ayon kay Benito Molino, Chairman ng Anti-mining group na Concerned Citizens of Sta. Cruz Zambales o CCOS, nangangamba ang mamamayan na maulit ang trahedyang naganap sa kanilang Lalawigan noong 2015 kung saan bumaha ng putik sa halos buong bayan matapos itong tangayin ng malakas na buhos ng ulan dulot ng Bagyong Lando.
“Masmalaki ang pangamba ngayon dahil ito nga, aktibo yung byahe, at dahil sa ganitong klaseng aktibo yung kanilang pagmimina ngayon, paghahakot ng kanilang mga stock piles ay posibleng kapag dumating ang malakas na ulan ay baka hindi lang maulit yung nangyari noong 2015 baka masmalala pa dahil nga nakita naman natin sobrang lawak na ang nasirang kabundukan.” Pahayag ni Molino sa Radyo Veritas.
Kaugnay dito, nanawagan si Molino sa mga bagong halal na Opisyal ng mga Barangay na kumilos sa pagprotekta sa kalikasan.
Giit niya, hawak ng mga lokal na opisyal ang magiging kinabukasan ng bawat Barangay sa kanilang lugar, dahil nasa kanilang kamay ang pagpapasya kung pahihintulutan ng mga ito na magkaroon ng mga Pagmimina sa kanilang Komunidad.
Iminungkahi ni Molino sa mga bagong lokal na opisyal na magtalaga ng kautusan o resolusyon na magbabawal sa pagmimina sa kani-kanilang mga Barangay.
“Panawagan natin sa kanila dahil ganun na kagrabe ang sitwasyon ng pagmimina at pagkasira ng kapaligiran, aba’y kumilos na sana sila, gawin nila ang kanilang tungkulin bilang mga Opisyales ng Gobyerno, na pangalagaan ang kagalingan ng kanilang mamamayan, kagalingan ng kapaligiran, kabuhayan,at ito’y magagawa nila sa paggawa nila ng mga resolusyon o deklarasyon na ihinto na ang pagmimina sa kanilang Barangay.” Dagdag pa ni Molino.
Ayon sa ulat ng CCOS, mayroong 9 na mining sites sa kanilang lalawigan, anim dito ang nagmimina ng Nickel habang 3 naman ang nagmimina ng Chromite.
Matatandaang kinondena rin ng Kanyang kabanalan Francisco ang hindi makatarungang gawain ng mga minahan dahil nag iiwan lamang ito ng malaking pasanin sa mga tao at sa kalikasan.