384 total views
Ito ang panalangin ng mga lider ng Simbahan sa trahedyang dinaranas ng mga taga-Surigao matapos tumama ang 6.7 magnitude na lindol at patuloy na nararanasang aftershocks sa lalawigan.
Ipinagdarasal ni CBCP Episcopal Commission on Migrants and Itinerant People chairman Balanga Bishop Ruperto Santos na manahan sa lahat ang kapayapaan, pagtutulungan at katatagan ng loob ng mga naapektuhan ng lindol.
“Makapangyarihang Diyos, aming butihin Ama. Kami po ay lumalapit at nanalangin, gawin po ninyong mapayapa na ang aming kalikasan. Patigilin na po ninyo ang pagyanig ng lupa. Manahan na sa amin ang kapayapaan at kaayusan. Mangyari nawa sa amin ang kapatagan ng kalooban at pagdadamayan.
Sa aming mga kapatid sa Surigao, magtutulungan kami upang sila ay makabangon. Sasamahan namin sa panalangin at pagbibigayan upang sila ay maging matatag sa pananampalataya at patuloy na magtiwala sa inyong kabutihan at kalooban. Amen.” panalangin ni Bishop Santos.
Hiniling naman ni Kalookan Bishop Emeritus Deogracias Iniguez sa panginoon na iligtas sa anumang kapahamakan ang mga Surigaonons.
“Panginoon, Ama namin sa langit, kami po ay nagimbal nitong nangyari sa mga kababayan namin sa Iyong mga anak sa Surigao sa lindol na naganap, tinataas namin sila sayo, iligtas mo po sila sa anumang kapahamakan at nawa itong naganap ay maging isang pangyayari na magpapagising sa kanila na may mga nagaganap na hindi namin kayang kontrolin. Ito nawa ay maging pagkakataon upang sariwain nila ang kanilang pananalaig sa Iyong kabutihan, sa Iyong kapangyarihan, sa Iyong pagmamahal. Kaya Panginoon iyon pong mga nasawi ay Iyong tanggapin sa Iyong kaharian at yaong may mga kapansanan dahilan sa naganap ay iyong patnubayan at nang makabawi, at yung lahat ng mga kapatid naming naapektuhan iligtas Niyo po sila sa anumang mga damdamin na maaaring makakasira sa kanilang kalooban at sa kanilang buhay. Sa Iyong mga mapagpalang kamay pinagkakatiwala namin sila at lahat ng mga kababayan naming nakakaalam ng pangyayaring ito, idulot Mong isang pagkakataon ito upang sariwain ang pananalig sa iIo na aming Ama na hindi nagpapabaya sa amin, sa Iyo Ama, silang lahat ay aming itinatagubilin, pagpalain Mo sila ipadama Mo sa kanila ang Iyong pagmamahal, Amen.”bahagi ng dasal ni Bishop Iniguez.
Nauna rito, ipinagpasalamat ni Surigao Bishop Antonito Cabajog sa Panginoon ang pagliligtas sa maraming buhay sa pagtama ng malakas na lindol.
Read: http://www.veritas846.ph/obispo-ng-surigao-nagpaabot-ng-panalangin-sa-mga-biktima-ng-lindol/