256 total views
Ito ang naging panawagan ni Bishop Edwin dela Pena ng Prelatura ng Marawi sa malaking hamon sa mga residente ng Marawi matapos ang digmaan.
Napakalaking trabaho ang kakaharapin ng mga mamamayan ng Marawi sakaling matapos na ang digmaan sa pagitan ng mga sundalo at terorista.
Ayon kay Marawi Bishop Edwin Dela Peña, ito ay bunsod ng pagkasira ng mga gusali, bahay, kabuhayan at buhay ng mamamayan na biktima ng kaguluhan na umabot na sa isang buwan.
Hinimok naman ng Obispo ang bawat mamamayan ng bansa na maging bahagi sa pagbangon ng Marawi bilang kapwa Filipino.
Bagama’t nanlulumo sa pagkasira ng halos kabuuan ng lungsod, nangangamba ang Obispo sa matinding trauma na dinaranas ng mga taong nagdadalamhati dahil sa pagkamatay ng mahal sa buhay gayundin ang nasirang kabuhayan.
“It is so much pain. It stinks, human pain, saka yung clearing of the city, ang daming mga unaccounted for na mga tao. The whole city well, it stinks. The smell of death ganyan, napakalaking trabaho at hamon ang naghihintay sa atin, im not taking only for myself – sa buong bansa.” Paliwanag ng Obispo.
Natitiyak ni Bishop dela Pena na ang Marawi ay simbolo ng pagiging matatag ng mga Filipino maging ito ay Muslim at Kristiyano sa pagharap sa suliranin at ang sama-samang pagbangon mula sa kawalan.
“Marawi should be in the heart of the Filipino. Kasi it symbolizes our resilience. Yung talagang determination natin to rise back from ashes, kung saan tayo nalugmok sabay-sabay din tayong iaahon bilang isang lungsod tulad ng Marawi,” pahayag ni Bishop Dela Peña sa panayam ng Radio Veritas.
Sa hiwalay na panayam, sinabi naman ni Ozamis Archbishop Martin Jumoad na sa mga ganitong pagkakataon na kawalang pag-asa ay ating ialay sa Panginoon ang mga suliranin at manalig na mayroon tayong Diyos na masisilungan.
Kaugnay nito, tiniyak ni Rev. Father Greg Gaston – Rector ng Pontificio Collegio Filipino sa Roma na hindi tumitigil sa pananalangin ang Filipino Community para sa kapayapaan sa Pilipinas partikular na sa Marawi City.
Dagdag pa ng Pari maging ang Kanyang Kabanalan Francisco ay nag-aalay din ng espesyal na panalangin para sa kapayapaan hindi lamang sa Pilipinas kundi maging sa iba pang mga bansa tulad ng Syria na patuloy din ang kaguluhan.
“Ito ay laging pinagdadasal natin at pinagdadasal din ng ating Santo Papa kasi ang man made [disasters] ang mga giyera minsan ginagawa-gawa lang para makapagbenta ng mga baril, milyun-milyon yung mga nagagasta napakalaking business,”pahayag ng Pari sa Radyo Veritas.
Magugunitang itinakda ng Kanyang Kabanalan Francisco ang araw ng ika-8 ng Hunyo upang mag-alay ng isang minutong pananahimik at panalangin para sa kapayapaan ng buong daigdig.
Tuwing araw na ito inaanyayahan ng Santo Papa ang lahat na manalangin maging Kristiyano man, Hudio o Muslim, dahil walang pinipiling relihiyon ang mga apektado ng nagaganap na digmaan sa iba’t ibang bansa.
Read: http://www.veritas846.ph/ibat-ibang-relihiyon-tumugon-sa-1-minute-prayer-for-peace-ni-pope-francis/
Sa loob ng isang buwang kaguluhan, higit na sa 200 libo katao ang nagsilikas mula sa Marawi, habang umaabot na rin sa higit tatlong daan ang nasawi sa labanan kabilang na dito ang 59 na sundalo at pulis; 26 na sibilyan bukod pa ang 59 na nasawi dahil sa iba’t ibang karamdaman sa mga evacuation centers.