1,408 total views
Ikinatuwa ng Sangguniang Laiko ng Pilipinas ang pagbasura ng kontrobersiyal na Justice Secretary Jesus Crispin Remulla sa rekomendasyon ng UN Human Rights Council na pagsasabatas sa bansa ng mga panukalang labag sa pananampalatayang Kristiyano.
Ibinahagi ni Laiko National President Raymond Daniel Cruz, Jr. ang kagalakan sa pagsasantabi ng kalihim sa rekomendasyon ng U-N-H-R-C na isabatas ang abortion, same sex marriage, divorce bill, death bill at iba pang anti-family bills.
“Marami ang lubhang natuwa sa ginawang paninindigan ni DOJ Sec. Remulla at sa pagsasantabi ng mga rekomendasyon ng UN Human Rights Council na isabatas sa ating bansa ang mga panukalang batas na likas na labag sa ating pananampalatayang Kristiyano.” pahayag ni Cruz sa Radio Veritas.
Nanawagan naman si Cruz sa bawat laiko, relihiyoso at mga lingkod ng Simbahan na sama-samang ipanalangin ang mga mambabatas sa Senado at Mababang Kapulungan ng Kongreso na manindigan sa mga panukalang batas na magpapahina sa ‘moral fiber’ ng bansa.
“Panalangin natin na sana ay hindi rin ito payagang maipasa sa ating Senado dahil hindi ito makalulutas ng mga problema nang ating bayan, bagkus ay magpapahina pa sa “moral fiber” nang ating bansa. Hinihimok natin ang mga kapwa laiko at mga kaparian at relihiyoso na sabay-sabay nating itaas ang mga panalanging ito kay Kristong Hari na Mundo at sa mahal nating Inang Maria at amang si San Jose!” Dagdag pa ni Cruz.
Ang Sangguniang Laiko ng Pilipinas na siyang implementing arm ng CBCP-Episcopal Commission on the Laity (CBCP-ECL) ay taunang nagdaraos ng gawaing tinaguriang Walk for Life bilang patuloy na paninindigan laban sa isinusulong na DEATH bills kabilang na ang Divorce, Euthanasia, Abortion, Total Reproductive Health, Homosexuality (Same Sex Marriage) at ang pagbabalik ng death penalty sa bansa.