822 total views
Dismayado ang isang kinatawan ng Simbahang Katolika matapos i-reject ng Commission on Appointments ang ad interim appointment ni Judy Taguiwalo bilang kalihim ng Department of Social Welfare and Development o DSWD.
Ayon kay NASSA/Caritas Philippines Executive Secretary Rev. Father Edu Gariguez, maituturing na kahihiyan para sa mga miyembro ng CA ang pagtanggi sa appointment ni Taguiwalo na may sapat na credentials at kakayanan na pamahalaan ng malinis at mabuti ang ahensya.
Kaugnay nito, hinamon ni Father Gariguez ang CA na linawin ang kanilang ginagawang batayan sa pagpili
ng magiging kalihim.
Nanindigan ang pari na hindi dapat pairalin ang pulitika at personal na interes sa pagpili sa mga kalihim
ng gobyerno.
“The CA should be ashamed of itself for lacking good judgement in appointing the right and competent people in the government. Taguiwalo has the needed credential, integrity and track record. CA must be clear on what basis they ground their selection. It should not be based on political expediency and interest” mensahe ni Fr. Gariguez sa
Radio Veritas.
Kaugnay nito, nangangamba rin ang Pari na maapektuhan ang kasalukuyang pagtulong ng DSWD para sa mga bakwits sa Marawi dahil sa pagpapalit nito ng liderato.
“Marawi emergency response might be negatively affected if we do not have good and committed secretary at the helm of DSWD.”dagdag pahayag ni Father Gariguez.
Magugunitang hindi nakapasa si Taguiwalo sa Commission on Appointments matapos na hindi makakuha
ng kinakailangan ng 13 boto mula sa mga mambabatas.