16,664 total views
Mariing kinokondena ng Ilog Pasiglahin at iba’t ibang grupo ang binabalak ng San Miguel Corporation (SMC) na ituloy ang Pasig River Expressway (PAREX) Project.
Iginiit ng grupo ang sinabi ni SMC president at chief executive director Ramon Ang noong Marso na “nakikinig sila sa pulso ng bayan” kaya hindi na itutuloy ang PAREX.
Mula nang inanunsyo ng kumpanya na hindi na itutuloy ang proyekto, naging panawagan naman ng publiko ang pagbawi sa mga kasanduan kabilang na sa Toll Regulatory Board (TRB), mga permit sa Department of Environment and Natural Resources, at iba pang mga ahensya.
Ngunit sa huling ulat ng TRB, wala pa ring kumpirmasyon ang SMC na tuluyan na nitong ihihinto ang PAREX project sa kabila ng naunang anunsyo.
“Ang hindi pagkansela ng PAREX ay patibay na hindi tunay na nakikinig si G. Ang at ang SMC sa pulso ng bayan at daing ng ating kalikasan,” pahayag ng Ilog Pasiglahin.
Binigyang-diin ng grupo na sa kabila ng mga pagbabago at krisis na nangyayari sa kapaligiran, dapat higit na isaalang-alang ng kumpanya ang kapakanan at kahihinatnan ng mamamayan sa mapaminsalang proyekto.
Kabilang sa mga salik na pumipigil sa proyekto ay ang magiging epekto sa heritage sites partikular na sa Intramuros, Maynila; air pollution mula sa mga sasakyan; at pagkaantala sa layuning muling buhayin at pasiglahin ang Pasig River.
“Kapag itinayo ang PAREX, kakatiting lamang na 6% ng mga Pilipinong may sariling kotse ang makikinabang dito samantalang magdudulot ito ng polusyon, pagbaha, at lalong pag-init ng kapaligiran. Ang PAREX ay hindi lamang kikitil sa buhay ng Ilog Pasig, ngunit magdadala rin ito ng panganib sa mga hayop, halaman, at daan-daang libong residente na binibigyang buhay ng ilog,” giit ng grupo.
Hinamon naman ng Ilog Pasiglahin ang SMC, gayundin ang DENR at mga lokal na pamahalaan, na tuluyan nang isantabi ang proyekto, at sa halip ay dinggin ang panawagan ng taumbayan na pangalagaan ang Ilog Pasig.
Nagkakahalaga ng ₱95-bilyon ang PAREX project na may habang higit 19-kilometro na babagtasin ang kahabaan ng Pasig River mula Maynila patungong Taguig City.
Una nang nagpahayag ng pagtutol ang Diocese of Pasig sa proyekto dahil sa pinsalang idudulot nito hindi lamang sa Ilog Pasig kun’di higit na sa mga pamayanan, kultura, at kalikasan ng buong Metro Manila.