1,301 total views
May pananagutan sa batas ang pagtanggap ng pera kapalit ang boto.
Ito ang paalala ng Ideals o Initiatives for Dialogue and Empowerment through Alternative Legal Services kaugnay sa laganap na vote buying sa halalan sa bansa.
Sa panayam ng programang Caritas in Action kay Atty. Dondi Justiani, sinabi nito na ang pagtanggap ng salapi at pagbebenta ng boto ay labag sa ating saligang batas kahit pa hindi iboto ang kandidatong nag-alok nito.
Ayon kay Atty. Justiani, ang mismong pagtanggap ng pera ay maituturing na uri ng ‘vote selling’ at ito ay sumisira sa integridad ng halalan.
“kahit sabihin natin na iba ang iboboto natin doon sa sinabi ng vote buyer na iboto mo mali pa din. yun kasi sa batas ang ibig sabihin ng vote buying pagtanggap ng pera kapalit ng boto ibig sabihin yun pagtanggap mo pa lang bawal na” pahayag ng Abogado mula sa IDEALS Inc.
Hinimok ni Atty. Justiani ang publiko na isuplong sa mga kinauukulan partikular na sa Commission on Election ang mga bibili ng boto.
Naniniwala din ang abogado na mahalaga na bumoto ang bawat rehistradong Pilipino dahil ito’y isang karapatan bilang mamamayan ng Pilipinas.
Ang vote buying at vote selling ay maituturing na paglabag sa Omnibus Election Code at nahaharap sa posibleng pagkakakulong ng hindi bababa sa anim hanggang labing-dalawang taon.
Mariin din tinututulan ng Simbahang katolika ang pagbebenta at pagbili ng boto.