997 total views
Ngayong pandemya, mas nakita natin kung paano tinaguyod ng mga kababaihan ang ating lipunan. Mula sa ating tahanan hanggang sa mga frontlines, ang mga babae ang nanguna upang tayo ay maka-survive at maka-ahon mula sa mga salot na dala ng COVID-19.
Sa larangan nga ng healthcare, mas marami ang babaeng frontliners. Ayon sa isang pag-aaral, halos 75% ng mga nurses ay babae at higit pa sa 80% ng pharmacists ay babae rin. Mga 56.9% naman ng mga doctor ay babae, at 61.9% ng mga physiotherapist ay babae rin.
Nakita rin natin na sa buong mundo, mas naging matagumpay ang mga female leaders sa paglaban sa COVID-19. Ang mga ehemplo nito ay si Jacinda Ardern ng New Zealand at Tsai Ing-Wen ng Taiwan.
Sa ating sariling mga bahay, nakita rin ang kagitingan ng mga babae. Sa ating mga nanay pa lamang, sobra sobra ang oras na ginugol nila upang tayo ay maging mas komportable nitong nakalipas na dalawang taon. Bago pa nga lamang magpandemic, sobra sobra na ang sakripisyo ng mga babae. Ayon sa isang pagsusuri, hindi pa man nagpa-pandemic, ang mga babae ay gumugugol ng triple pa sa dami ng oras para sa unpaid domestic and caring work – at di na nga ito bayad, hindi pa natin ito tunay na pinahahalagahan. Ayon nga sa ILO, ang 16 billion hours na ginugugol para sa unpaid caring kada araw ay ika-sampu na ng economic output ng buong mundo kung atin itong binabayaran ng tamang halaga.
Ang nakakalungkot kapanalig, sa ating mundo, mas binigyang halaga pa natin ang mga opinyon ng mga social media influencers at mga media sites na nagpapalipana ng mga stereotypes na nagkakahon sa kakayahan at galing ng mga babae. Mas tinutulak natin ang pag-like o pag-heart sa mga outfits of the day kaysa sa mga impormasyon o mga aksyon na mas magtutulak ng kapakanan ng mas nakakaraming kababaihan, lalo na yaong nakukulong sa hirap o sa sobrang pagtatrabaho.
Sa social media, o maski sa traditional media, ang mga karaniwang imahe ng kababaihan ay hindi tunay na kumakatawan sa mas nakakaraming kababaihan sa ating lipunan. Nagbibigay ito ng mga unrealistic expectations na maaring sumira pa sa mental health ng maraming babae, o di kaya magbigay pa ng maling role models. Iniimpluwensyahin nito ang mga mas nakababata na humabol sa likes o heart sa mga social media apps, sa halip na maging mga unique o walang kaparis na indibidwal na malaki ang bahagi at ambag sa lipunan.
Ang mga kataga mula sa Forming Consciences for Faithful Citizenship ng U.S. Conference of Catholic Bishops ay akma sa usaping ito: Where the effects of past discrimination persist, society has the obligation to take positive steps to overcome the legacy of injustice, including vigorous action to remove barriers. Dinggin sana natin ito.
Sumainyo ang Katotohanan.