192 total views
Malaking kahihiyan sa Department of Forerign Affairs (DFA) ang nakikita ng CBCP – Epicopal Commission on Migrant and Itinerant People ang naganap na maanomalyang pagbibigay ng pasaporte sa mahigit 100 Indonesians.
Sinabi ni Balanga, Bataan Bishop Ruperto Santos, chairman ng kumisyon na kahiya – hiya ang ganitong uri ng transaksiyon na nakalulusot mula sa awtoridad ang mga Philippine passports sa mga dayuhan.
Kaugnay nito, hiniling ng Obispo sa DFA na aksiyunan ang nangyaring anomalya at parusahan ang mga nasa likod nito.
“Iyan ay isang malaking kahihiyan sa atin at malaking kahihiyan din sa DFA. Malaking suliranin sapagkat dala – dala nila ang ating pangalan at dun sa ating pangalan ay nagdudulot sa atin ng kahihiyan at hindi lang kahihiyan kundi magdudulot rin sa atin ng kapinsalaan. At itong nasa pamahalaan lalo na sa DFA kanilang hanapin, bakit nangyari? Ano ang nangyari? Sino ang dapat managot? At bigyan ng kaparusahan,” bahagi ng pahayag ni Bishop Santos sa panayam ng Veritas Patrol.
Una ng itinanggi ni Foreign Affairs Sec. Perfecto Yasay na nakakuha ng pasaporte ang mga Indonesians sa ilalim ng kanyang panunungkulan bagkus iginiit nito na sa ilalim pa ni dating Pangulong Benigno Aquino III naganap ang naturang anomalya ng pasaporte.
Tiniyak ni Yasay na iniimbestigahan na ng mga kaukulang ahensya ang kaso ng pagbibigay ng Filipino passport sa mga Indonesians.
Magugunitang ilang linggo na ang nakaraan nang pigilan sa NAIA Terminal 2 ang 177 Indonesians na patungo sa Saudi Arabia, makaraang matuklasan na hindi sila Filipino.
Nauna ng ipinapa – alala ng Simabahang Katolika ang pagiging tunay na lingkod bayan na sinisiguro ang transparency sa anumang uri ng transaksyon sa pamahalaan.