536 total views
Ikinalungkot ng Diyosesis ng Marbel ang pag-amyenda ng Sangguniang Panlalawigan ng South Cotabato sa Environment Code na nagbibigay ng pahintulot sa pagmimina kabilang na ang open-pit mining sa lugar.
Ayon kay Father Jerome Milan, social action director ng diyosesis, ang desisyon ng Sangguninang Panlalawigan na tanggalin ang ban para sa open-pit mining ay isang kalunos-lunos na pangyayari dahil magbubunsod ito ng matinding sakuna at paghihirap ng mamamayan.
“As many communities within and nearby the province have been experiencing tragedies due to the effects of climate change and global warming, amending the ban welcomes more serious consequences in the nearby future,” pahayag ni Fr. Milan.
Ibinahagi ni Fr. Milan na tumagal lamang ng 15 minuto ang pagpupulong na dinaluhan ng hindi bababa sa 10 sangguniang panlalawigan members upang muling maisakatuparan ang pagsasagawa ng pagmimina sa South Cotabato.
Malinaw na hindi binigyang pansin at tugon ng lokal na pamahalaan ang panawagan ng diyosesis at mga maaapektuhang katutubo laban sa pinsalang maidudulot ng proyekto sa kalikasan at buhay ng mamamayan kapalit ng pag-unlad.
“This is in spite of the fact that signature campaigns against open-pit mining, social media platforms, and broadcast media sentiments, all raised their voices against the amendment. Clearly, the SP members listened, not to the voice of the people that they represent,” saad ng pari.
Gayunman, hindi nawawalan nang pag-asa ang diyosesis at sa halip ay hinimok ang mamamayan na patuloy lamang na ipahayag ang mga boses laban sa open-pit mining.
“We appeal to the good Governor Reynaldo Tamayo to listen to the voice of the people by vetoing the amendments to the Environment Code,” ayon sa pahayag.
Dalangin rin ng Diyosesis ng Marbel na nawa’y magbago pa ang desisyon at saloobin ng mga kawani ng sangguniang panlalawigan upang hindi ganap na maisakatuparan ang mga mapaminsalang proyekto.
Ang Tampakan Open Pit Mining project sa South Cotabato ay nagkakahalaga ng $5.9-bilyon o nasa P295-bilyon at ang pinakamalaking copper-gold minefield sa Timog-Silangang Asya.