361 total views
Ikinalungkot ng opisyal ng Catholic Bishops Conference of the Philippines ang pagkamatay ng isang Overseas Filipino Worker sa Gitnang Silangan.
Ayon kay Balanga Bishop Ruperto Santos, Chairman ng Episcopal Commission on Migrants ang Itinerant People, nakalulungkot na hindi sapat ang tulong legal na ipinaabot ng Pilipinas para sa kasong pagpatay na kinaharap ng 39 taong gulang na Filipina sa Saudi Arabia.
“This is a very sad and tragic news, especially our own is involved. It is regret that legal assistance to our 39 years old Filipina was not enough,” mensahe ni Bishop Santos sa Radio Veritas.
Iginiit ng Obispo na dapat patuloy na tulungan ang naiwang pamilya ng OFW sa Pilipinas.
Batay sa ulat ng Home Office sa Manila ni Ambassador Adnan Alonto, ipinatupad ng mga otoridad ng Saudi Arabia ang parusang kamatayan sa OFW dahil sa kasong murder na batay sa Saudi Supreme Judicial Council ay walang katumbas na blood money ang kaso sa ilalim ng Shariah Law.
Inihayag naman ng Department of Foreign Affairs na tinulungan ng embahada ng Pilipinas ang hindi pinangalanang biktima sa pamamagitan ng pagbibigay ng abogado sa lahat ng paglilitis sa Saudi, pagpapadala ng mga kinatawang bumibisita noong nakulong ito at pagbibigay ng palagiang ulat tungkol sa kaso.
Kaugnay nito, ipinanalangin ni Bishop Santos ang kaligtasan at seguridad ng bawat OFW habang patuloy itong nagpapaalala na ang katangian ng isang OFW ay tapat, matiyaga at nakahandang umagapay sa kapwa na nangangailangan.
“We commend to God her eternal rest, and we pray always for the safety and security of our OFWs. We, at CBCP-ECMI, remember and remind all that our OFWs are honest, hardworking and they are always ready to help one another. That is the true nature of our OFWs,” dagdag pa ni Bishop Santos.
Batay sa pahayag ni Senate President Pro-Tempore Ralph Recto noong 2017, naitala ng DFA ang halos 130 Filipinong nasa death row sa halos 4,000 OFW na nakakulong sa 52 mga bansa na karamihan ay sangkot sa ipinagbabawal na gamot.
Una nang kinilala ng Kaniyang Kabanalan Francisco ang kahalagahan ng mga OFW sa kaniyang pagbisita sa Pilipinas noong 2015 dahil sa natatanging pagsusumikap na magtrabaho sa ibayong dagat na malayo sa mga mahal sa buhay upang maitaguyod ang pangangailangan ng kanilang pamilya.