331 total views
Binigyang-linaw ni Cubao Bishop Honesto Ongtioco na walang pinipiling tao ang tawag ng pagbobokasyon.
Kaiba sa ibang kurso, sinabi ni Bishop Ongtioco na ang pagpapari ay isang espesyal na pagtawag ng Panginoon na kung sinuman ang tutugon ay inaanyayahang i-alay ang kanyang buong buhay para sa paglilingkod sa Diyos na nagligtas sa sanlibutan.
“Ang pagpapari ay isang bokasyon na galing sa Diyos so nobody claims this for himself, hindi naman kurso ang pagpapari. Ang ibang kurso basta may talino ka may pera ka makakatapos ka pero that can be separated from our life. Pero yung pagpapari ito ay isang bokasyon, pananawagan ng Diyos,” pahayag ni Bishop Ongtioco.
Idinagdag pa ng Obispo na grasyang maituturing ang pagtugon sa panawagan ng Panginoon kahit ano pa man ang katayuan o estado sa buhay dahil hindi aniya nasusukat ng anumang pinag-aralan ang pagpasok sa banal na bokasyon.
“Kung marahil, somehow na you feel that God is calling you kahit na propesyonal ka na maging doktor ka maging engineer ka anupaman ang iyong sitwasyon at kalagayan, baka hindi pa huli. Pumasok ka at lapitan mo ang isang pari para gabayan ka sa iyong pagpili ng daan sa pagpili tungo sa ganap na tuwa at ligaya,” panawagan ni Bishop Ontioco.
Dahil sa priest shortage sa Pilipinas, isang pari lamang ang humahawak sa 8-libong mga Katoliko sna higit na marami sa dapat sana’y isang pari sa 2-libong mga mananampalataya ayon kay Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle.
Sa susunod na taon ilulunsad ng simbahang katolika ang Year of the Clergy and Consecrated Persons bilang pagpupugay sa kaparian, relihiyoso at relihiyosa na nag-alay ng sarili upang iproklama ang mabuting balita ng Panginoon.
Sa lipunan na napapaligiran ng maraming bagay na maghihikayat sa atin kung ano ang daan na dapat sundin o puntahan, inihayag ni Bishop Ongtioco na dapat pakinggan ang tinig ni Hesus at hindi magpabulag materyal na bagay at mga tukso ng mundo.