502 total views
Ang pagboto ay dapat na ituring na pakikipagtulungan sa Panginoon upang maisakatuparan ang kanyang plano para sa kabutihan ng mamamayang Pilipino.
Ito ang bahagi ng mensahe ni Diocese of San Jose de Antique Bishop Marvyn Maceda, kasaping miyembro ng CBCP – Episcopal Commission on Youth, kaugnay sa isinagawang voters registration webinar ng kumisyon bilang paghahanda sa nakatakdang halalan sa susunod na taon.
Ayon sa Obispo, kinakailangang magparehistro, makilahok at bumoto ang bawat mamamayan sa nakatakdang halalan sapagkat ang pagboto ng mga lingkod bayan ay maituturing na isang sagradong tungkulin at obligasyon bilang isang mamamayan.
Ipinaliwanag ni Bishop Maceda na sa pamamagitan ng pagboto ng mga karapat-dapat na opisyal na mayroong matatag na pananampalataya sa Panginoon ay maisasakatuparan ang mga plano ng Diyos para sa bayan na maging daluyan ng kanyang sa sambayanang Pilipino.
“Kailangan pong makilahok, magparehistro at bumoto dahil ang pagboto ay isang sagradong gawain. It is a sacred duty and obligation, God wants to elect in to office men and women of faith who can become instruments, cooperators and channels of His graces for the Pilipino people. God wants to shower us with His blessings and He asked us to cooperate with his plan for our nation,” mensahe ni Bishop Maceda.
Pagbabahagi ng Obispo, lubos na pinagpala ng Panginoon ang Pilipinas kung saan kabilang sa mga mahalagang biyayang ipinagkaloob ng Diyos sa sambayanan ay ang pananampalatayang tinanggap ng mga Pilipino 500-taon na ang nakakalipas.
Iginiit ni Bishop Maceda na kabilang sa panawagan ng Panginoon para sa bawat mamamayan partikular na sa mga kabataan ay ang higit na pagpapayabong at paninindigan sa mga turo ng Simbahan sa pamamagitan ng pagsasabuhay nito sa iba’t ibang aspekto ng buhay kabilang na sa pakikisangkot sa usaping pampulitika.
“We are a beloved country and the greatest gift He has given us is the gift of faith, God is asking honest and especially the young to cultivate and use this faith in order to do our duty and our mission and that is to bring God in to all aspects of life including political life,” dagdag pa ni Bishop Maceda.
Pinangunahan ng CBCP-Episcopal Commission on Youth sa pakikipagtulungan ng Young Davids Governance Missionaries ang pagsasagawa ng voters registration webinar na may titulong “Vibe Check Ready ka na ba to Vote?” na layuning higit na mahikayat ang mga kabataan na makisangkot sa mga nagaganap sa lipunan sa pamamagitan ng pagpaparehistro bilang unang hakbang sa pakikibahagi at pagbabantay sa kabuuang proseso ng nakatakdang 2022 National and Local Elections.
Batay sa datos ng Commission on Elections (COMELEC) nasa mahigit 50-porsyento ng kabuuang bilang ng mga rehistradong botante na umaabot na sa mahigit 63-milyon ang kabilang sa itinuturing na ‘youth vote’ na mga botante na edad 18-taong gulang hanggang 40-taong gulang kung saan sa bilang na ito nasa mahigit 4.3-milyon na bilang ng mga first time voters.