252 total views
Kapanalig, mabilis ang kaunlaran ng urban landscape sa ating bansa. Kung dati rati, Makati lamang ang tinitingalang business district sa ating bansa, ngayon marami ng syudad, lalo na sa Metro Manila, ang nagtataguyod ng kanilang business zones. Isa sa senyales nito ang pagtatayo ng mga higanteng gusali o skyscrapers.
Sa likod ng mga pagbabagong ito ay isang bahagi ng impormal na sektor na nagbubuhat at nagbababanat para sa kabuhayan ng kanilang pamilya. Ito ay ang mga construction workers, na sa halip na purihin dahil sa kanilang tahimik na pagsuporta sa pag-unlad ng bayan, ay kadalasan pang kinukutya at inaalipusta.
Base sa opisyal na datos, noong 2014 ang construction sector ay nakapag-ambag ng Php 414 billion sa ekonomiya ng bansa. Ang mabilis na paglaki ng sektor na ito ay nakapagbigay ng trabaho para sa marami. Tinatayang nasa 2.45 million ang bilang ng mga construction workers sa ngayon. Marami sa kanila, kahit pa umuunlad ang construction industry, ay mahirap pa rin. Marami sa kanila, gutom pa rin. Marami sa kanila, nasa laylayan pa rin ng lipunan.
Marami pa rin kasing isyung kinahaharap ang mga construction workers. Ayon sa Association of Construction and Informal Workers, marami sa kanila ang nakakaranas ng mababang pasahod at irregular na employment. Marami sa mga construction workers ay inemployo lamang ng ma subcontractors, at contractualization lamang ang kanilang nararanasan, hindi regular na employment. Kasabay ng contractualization ay mababang pasahod, kaya ang mag-ipon para sa panahong walang trabaho ay mahirap gawin.
Ang working conditions din ng mga construction workers ay puno ng peligro at accident prone. Ngunit sa harap nito, kulang pa rin sa social protection ang mga marami sa kanila.
Kaya’t ang natural na resulta ng maliit na sweldo, irregular na trabaho at kawalan ng social protection ay pangit na kalidad ng buhay. Karamihan sa mga construction workers ay informal settlers, mahirap, at tali ang kamay sa trabahong mapeligro at walang kasiguruhan.
Kaya nga’t ironic o kabaligtaran ang nangyayari sa construction workers sa ating bansa ngayon. Sa halip na mas umunlad ang kanilang buhay kasabay ng pag-unlad ng construction industry, mas ramdam pa nila ang kahirapan. Ang kanilang buhay ay isang mahabang kwento ng pagbabanat buto na lamang. Kailan kaya darating sa kanila ang kaunlarang kanilang hinahanap-hanap?
Kapanalig, ang Panlipunang Turo ng Simbahan ay maraming mga gabay at pangaral ukol sa sitwasyon ng manggagawa. Ayon nga kay Pope Benedict XVI noon sa Sacramentum Caritatis, “Work is of fundamental importance to the fulfillment of the human being and to the development of society. Thus, it must always be organized and carried out with full respect for human dignity and must always serve the common good.” Ang pahayag na ito ay mahusay na pamantayan sa sektor ng construction workers. Hindi lamang kaunlaran ng lipunan ang layunin ng trabaho, kundi kaganapan din ng ating pagkatao. Ang sitwasyon ba ng construction workers ay tunay na tumutulong sa paglago ng kanilang buhay? O ito ba ay pang-aalipin na nagbabalatkayo bilang irregular na trabaho?