508 total views
Ipinagpapatuloy ng Diocese of Kalookan ang pag-abot sa mga mahihirap na komunidad sa tulong ng Order of Friars Minor in the Philippines (OFM).
Ito ay matapos isagawa ni Kalookan Bishop Pablo Virgilio David ang pagbabasbas sa religous house na siya ring formation house ng mga theology students sa Baesa, Quezon City na nasasakupan ng Diocese of Kalookan.
Ang formation house ay magsisilbi ring Canonically Inserted Community na isa sa mga misyon ng OFM Philippines upang higit na maabot at maipahayag ang pananampalataya sa mga nasa mahihirap na komunidad.
“Sana yung community rito samantalahin nila yung presence ng ating mga Franciscan brothers because magdadasal yan sa piling nila at sa pamamagitan nila I hope na maging isang prayer community talaga itong komunidad na ito dito sa Baesa Quezon City,” paanyaya ni Bishop David
Inihayag naman ni Father Cris Pine, OFM ang kagalakan sa pagbabasbas ng Obispo na sinundan ng unveiling ng painting ni Dominic Escobar na may titulong ‘Maria Reynang – Lingkod ng Sangkalikasan’ na nakaayon sa Laudato Si ni Pope Francis at inialay para sa KASAMA Inserted Community.
“Sa aming mga Franciscan dito sa Pilipinas ito yung una na isang inserted community na itatatag bilang isang regular na religious community at simula 1975 ay mayroon na kami mga tinatawag na mga inserted community pero ngayon lang kami magiging parang may sariling local chapter, magdedecide sa sarili at may sariling mga ministro o guardian na tinatawag namin,” ayon sa panayam ng Radio Veritas kay Father Pine.
Kasama ang mga theology students ng diyosesis ay nakatakdang pangasiwaan ng siyam na OFM Priest ang Kasama Inserted Community sa Baesa Quezon City.