265 total views
June 16, 2020, 2:18PM
Ikinatuwa ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines – Episcopal Commission on Catechesis and Catholic Education ang pasya ng pamahalaan na ipagpatuloy ang pagbubukas ng klase sa darating na Agosto.
Ayon kay San Jose Bishop Roberto Mallari, chairman ng komisyon, hindi makabubuti sa mga kabataan na mananatili lamang sa bahay ng mahabang panahon na walang ginagawa sapagkat may epekto ito sa kanilang mentalidad.
“Masaya ako at magbubukas ang classes, kasi hindi rin maganda na nakabakasyon ang kabataan na walang ginagawa sa bahay; at saka makatutulong din sa mental health nila ang pag-aaral,” pahayag ni Bishop Mallari sa panayam ng Radio Veritas.
Binigyang diin ni Bishop Mallari na malaki ang epekto sa kaisipan ng kabataan at maging sa mga matatanda ang pandemic corona virus lalo na noong pinairal ang community quarantine o lockdown hindi lamang sa Pilipinas kundi sa iba’t-ibang bahagi ng daigdig.
Matandaang sa press briefing nitong ika – 15 ng Hunyo, umapela si Department of Education Secretary Leonor Briones kay Pangulong Rodrigo Duterte na payagang makabalik ang klase sa Agosto sapagkat nakapaghanda na ang sektor ng edukasyon sa ipatutupad na ‘no face-to-face classes’.
Bagamat wala pang eksaktong petsa ng pagbubukas ng klase, ibinahagi ni Briones ang survey na kanilang ginawa sa 800,000 respondent na nais ng karamihan sa Agosto magsisimula ang klase sa buong bansa.
Gayunman, ibinahagi ni Bishop Mallari ang pag-aaral sa Diyosesis ng San Jose sa Nueva Ecija na halos 80 porsiyento sa mga estudyante ay walang kakayahan sa online classes kaya’t kailangan mamahagi ng mga modules para sa kanila.
“Sa survey namin sa diocese, 70-80 percent ng mga estudyante ay hindi kaya ang online study; so talagang kailangang mag-reproduce ng mga modules at we will study a system how to get them [modules] to our students,” dagdag pahayag ng obispo.
Ipinaliwanag naman ng DepEd ang kanilang pakikipag-ugnayan sa mga local government units (LGUs) dahil sa mga barangay ibibigay ang mga modules ng mga estudyante na kukunin naman ng mga magulang.
Nakapagtala na ang DepEd ng mahigit sa sampung milyong estudyante online mula noong Hunyo kung saan sa nasabing bilang naitala ang pinakamaraming nag-enroll sa Region 4A at Region 3.
Pinayuhan naman ni Bishop Mallari ang mga magulang at guro na palaging paalalahanan ang mga kabataan hinggil sa mga safety health protocols tulad ng pagsusuot ng facemasks, paghuhugas ng kamay, paggamit ng alcohol at panatilihin ang physical distancing upang hindi mahawaan ng COVID-19 disease.