355 total views
Tiniyak ng Diyosesis ng Tagbilaran ang pagtugon sa pang-espiritwal na pangangailangan ng mga mananampalataya sa Bohol.
Positibo si Bishop Alberto Uy na susundin at makikiisa ang mamamayan sa mga alituntuning ipinatutupad kasabay ng pagpayag na muling buksan ang mga simbahan sa publiko sa limitadong bilang ng mga dadalo.
“Yet in spite of all these, please trust me that I am tediously looking for workable solutions to our current situation, always with the common good in mind,” pahayag ni Bishop Uy.
Noong ika – 14 ng Hunyo pormal nang binuksan ang mga simbahan sa Bohol na pinanabikan ng mahigit sa kalahating milyong Katolikong Boholano na halos tatlong buwang hindi nakapagsimba ng personal dahil sa ipinatupad na panuntunan sa community quarantine.
Sa anunsyo ng Pangulong Rodrigo Duterte nitong ika – 15 ng Hunyo, kabilang ang Bohol sa mga lalawigang pinalawig ang general community quarantine hanggang sa katapusan ng buwan.
Dahil dito kapwa inihayag ng diyosesis at ng Sangguniang Panlalawigan ng Bohol na papayagan nang makadalo sa religious activities ang mananampalataya na limitado lamang sa 25-porsiyento ng kabuuang kapasidad ng simbahan ang maaring makapasok.
Mahigpit na ipinatupad sa mga simbahan ang safety health protocols tulad ng pagsusuot ng facemasks, pagpatupad ng ‘One Entrance, One Exit Policy’ lamang sa bawat simbahan upang matiyak na ma-control ang dami ng mga dadalo sa misa, physical distancing sa loob ng Simbahan, paggamit ng mga alcohol, foothbath at pagkuha ng temperatura ng katawan.
Ipinasusulat din sa mga paorokya ang pangalan at tirahan ng mga dadalo sa misa upang mas mabilis isagawa ang posibilidad ng contact tracing kung sakaling magkaroon ng virus ang isa sa mga nagtutungo sa lugar.
“I am confident and optimistic that the instructions contained in this missive shall be fully-complied without any reservation,” dagdag pa ni Bishop Uy.
Bukod dito ipinag-utos rin ni Bishop Uy sa mga pari na iksian lamang hanggang 45 minuto ang pagdiriwang ng Banal na Eukaristiya, limitado rin ang oras na ilalaan sa homiliya, gayundin ang bilang ng koro na maghahandog ng awitin sapagkat pinapayagan lamang na kakantahin ang pambungad na awit, awit sa pag-aalay at mga awitin sa Banal na Komunyon.
Sa isinagawang dry run ng diyosesis para sa new normal, hiniling ni Bishop Uy sa mananampalataya ang pang-unawa at pakikiisa laban sa COVID 19.
“As your Bishop, I am humbly asking for your understanding. We are in difficult times, the space to move is very tight; the options are very limited,” giit ng obispo.