321 total views
April 7, 2020, 11:27AM
Pinaalalahanan ni Tagbilaran Bishop Alberto Uy ang mananampalataya na nananatiling konektado ang tao sa Diyos sa kabila ng mga pagsubok na kinakaharap at pagiging makasalanan.
Sa pagninilay ng obispo sa pagpasok ng mga Mahal na Araw, nilinaw nitong hindi nahihiwalay ang tao sa bahay dalanginan ng Panginoon sa kabila ng pagkansela sa mga malalaking pagtitipon tulad ng pagdiriwang ng mga Banal na Misa kundi mas pinag-uugnay nito ang bawat isa sa pamamagitan ng pagbubuklod ng bawat pamilya.
“Wala man tayo sa ating mga malalaking simbahan ngunit tayo ay pinagkaisa ng Diyos sa munting pamayanan o simbahan ang ating mga pamilya,” pagninilay ni Bishop Uy.
Iginiit ng obispo na bagamat sa online lamang nakibahagi ang mananampalataya sa mga banal na pagdiriwang ng simbahan lalo ngayong Mahal na Araw, nanatiling konektado ang relasyon ng Diyos sa tao, hindi lamang online kundi ‘Spiritual Line’ o sa espiritwal na aspeto ng tao.
Matatandaang agad na ipinag-utos ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ang pagkansela ng mga misa upang maiwasan ang malakihang pagtitipon alinsunod sa kautusan ng pamahalaan partikular ang pagpapatupad ng physical distancing upang maiwasan ang pagkalat ng COVID 19.
“Walang kahit sino, o kahit na ano gaya ng virus (COVID 19) na makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Diyos,” dagdag pa ni Bishop Uy.
Dahil dito hinimok ni Bishop Uy ang mamamayan na hindi dapat malungkot sa kabila ng pagdiriwang ng mga Banal na Araw sa tahanan sapagkat makatatanggap pa rin ito ng biyaya ng pag-ibig ng Panginoon.
Paalala ni Bishop Uy na ang Simbahan ang sakramento ng dakilang pag-ibig ng Diyos kaya’t dapat ipadama sa kapwa ang pag-ibig sa pamamagitan ng paggawa ng mabuti at gawing makabuluhan ang pagdiriwang ng mga Mahal na Araw sa gitna ng krisis na dulot ng COVID 19.
“Huwag nating kalimutan na tayong mga tao ang simbahan kaya’t pagsumikapan nating ipahayag ang pag-ibig ng Diyos sa bawat isa sa gitna ng pagsubok na pinagdadaanan,” giit ni Bishop Uy.
Aktibo rin si Bishop Uy at ang lahat ng mga pari sa Bohol sa pagsasagawa ng mga online masses, healing rosary at maging mga novena prayers para masugpo na ang pagkalat pa ng virus.