428 total views
Kinondena ng Alyansa Tigil Mina ang rekomendasyon ng Mining Industry Coordinating Council (MICC) ang panukalang buhayin ang industriya ng pagmimina sa bansa.
Ayon kay ATM National Coordinator Jaybee Garganera, sakaling nagpatuloy ang pagbuhay sa pagmimina ay magdudulot ng mas matinding pinsala sa kalikasan at paghihirap sa maraming pamayanan.
Paliwanag ni Garganera, mas maraming komunidad na mawawalan ng tahanan, paglaganap ng polusyon sa hangin at tubig, pagkasira ng likas na sistema ng kalikasan, pagguho ng mga lupa, at ang kawalan ng mapagkukunan ng pagkain.
“The mining industry’s economic contribution does not outweigh the harmful impacts to mining-affected communities in particular and the cumulative impacts of climate change and natural disasters for the whole country, in general,” pahayag ni Garganera.
Binigyang-diin din ni Garganera na ang Mines and Geosciences Bureau (MGB) na rin mismo ang nagsasabi na ang industriya ng pagmimina ay hindi nagpapataas sa gross domestic product (GDP) ng bansa.
Ayon sa tala ng MGB noong Hunyo 2021, umabot lamang sa 102.3 bilyong piso ang naibahagi ng sektor ng pagmimina o katumbas na 0.6 percent na paglago sa GDP noong 2020.
Bukod pa rito, mayroon din lamang 184,000 trabaho ang nalikha nito.
Giit pa ni Garganera na hindi ang pagmimina ang tugon sa suliranin upang makabangon ang ekonomiya ng bansa, bagkus dapat mas pagtuunan ang makatwirang pangangalaga at pamamahala sa mga likas na yaman ng bansa para sa kapakinabangan ng susunod na henerasyon.
Kabilang na ang pagpapaigting at paglalaan ng malaking pondo para sa industriya ng agro-forestry, eco-tourism at watershed development, agriculture at fisheries, at ang community-based enterprises.
“Full disclosure of all the mine audit reports and the reviews of these mine audits must be implemented as soon as possible. Also, alternatives to mining must be considered for reviving the economy,” giit ni Garganera.
Hinamon din ni Garganera ang papasok na administrasyon ni President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. na magtalaga ng kalihim ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na hindi sumasang-ayon sa industriya ng pagmimina at mga mapaminsalang proyekto.
Nauna nang nanawagan ang social arm ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines na NASSA/Caritas Philippines na pakinggan ng pamahalaan ang panawagan ng taumbayan upang ganap nang maging batas ang mining moratorium sa bansa at panagutin ang mga sangkot sa mapaminsalang gawain.