211 total views
Dapat magsilbing hamon sa Sandatahang Lakas ng Pilipinas ang pagkubkob ng teroristang grupong Maute sa Marawi City upang bumuo ng isang quick security reaction protocol sa Mindanao.
Ayon kay Senate Committee on Trade, Commerce and Entrepreneurship chairman Senador Juan Miguel Zubiri, dapat na magsilbing hamon sa militar ang insidente upang mas maging alerto sa mga armadong grupo partikular na sa malalaking siyudad sa rehiyon.
Iginiit ni Zubiri na dapat maging pro-active ang puwersa ng pamahalaan upang hindi maisakatuparan ng mga rebelde at armadong grupo ang pagtake-over sa malalaking siyudad tulad ng Zamboanga Siege, Ipil at Zamboanga Sibugay.
“The military by now should have a proper security protocol for things like this kasi nangyari na ito sa Zamboanga Siege, nangyari na ito sa Ipil, sa Zamboanga Sibugay at ngayon nangyari na naman ito sa Marawi City, there should be some quick reaction protocol from our military” pahayag ni Zubiri sa panayam ng Veritas Patrol.
Kaugnay nito, saklaw ng 60-day Martial Law declaration ng Pangulong Duterte ang 27-lalawigan ng Mindanao na may tinatayang aabot sa 20-milyong populasyon.
Naitala ng Internal Displacement Monitoring Center na umaabot sa 1.9-milyong katao na naapektuhan ng may 40-taong kaguluhan at hidwaan sa Mindanao.
Umaasa naman ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines na mabilis na mapapayapa ng mga puwersa ng pamahalaan ang Marawi City at buong Mindanao upang hindi na umabot sa 60-araw ang Martial Law sa rehiyon.
Read: http://www.veritas846.ph/kaligtasan-ng-mga-bihag-ng-maute-panawagan-ni-cardinal-quevedo/