346 total views
Hindi naaangkop ang ginawang hakbang ng mga otoridad sa mga Moro at Lumad na nagprotesta sa harap ng US Embassy sa Maynila kahapon.
iginiit ni Caloocan Bishop Emeritus Deogracias Iniguez – chairman ng Ecumenical Bishops Forum na hindi makatao at asal hayop ang paggamit ng dahas ng mga otoridad sa nagpoprotestang mga katutubo na gusto lamang ipaabot ang mga hinaing sa pamahalaan.
Binigyan diin ng Obispo na dapat na respetuhin at kilalanin ang mga katutubo bilang kapwa Filipino na nararapat maging bahagi ng mga programa ng pag-unlad.
“Ito ay isang malungkot na reaksyon ng ating pamahalaan o nung mga nasa likod nitong dahilan kung bakit ang ating mga katutubo ay nakaranas ng kapahamakan pero sana ay ating makilala na ang mga katutubo ay mga kasamahan natin sa ating bansa at sila rin ay mayroon mga karapatan at sila rin ay dapat nating sikapin na mapasama sa kabutihan na dapat na tamasahin natin na sama-sama at ito sa paglilingkod ng ating pamahalaan…”pahayag ni Bishop Iniguez sa Radio Veritas.
Naunang tiniyak ni PNP Spokesperson Police Senior Superintendent Dionardo Carlos ang masusing imbestigasyon at pagpapanagot sa sinumang mapapatunayang may sala sa naging marahas na dispersal.
29 sa mga nagprotestang katutubo ang inaresto ng Manila Police District (MPD) habang nasa 50 naman ang sugatan sa naganap na pananagasa ng isang police mobile.
Ayon sa PNP nasa kustodiya na ng NCRPO si PO3 Franklin Kho na siyang nagmamaneho sa naturang sasakyan.
Samantala, binigyang diin nga ng Kanyang Kabanalan Francisco sa kanyang Encyclical na Laudato Si ang pagbibigay ng malaking pagpapahalaga sa mga katutubo na syang pangunahing tagapangalaga ng kapaligiran.